KINONDENA ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela ang kumakalat na video na umano’y gawa ng China na naglalarawan sa mga Pilipino bilang mga unggoy na sunud-sunuran sa Estados Unidos at Japan.
Ayon kay Tarriela, ang mahigit isang minutong video ay inilabas ng China Daily, isang state-controlled media organization ng China.
“Hindi ba’t nakakagalit na ang mismong bansang gumigipit sa ating mga karapatan sa West Philippine Sea ang siya pang may lakas ng loob na gumawa ng video na naglalarawan sa mga Pilipino bilang mga unggoy na basta na lamang sumusunod sa Japan at Estados Unidos?” ani Tarriela.
Sinabi rin ng opisyal na ipinakita sa naturang video ang pagbalewala sa naging desisyon ng Permanent Court of Arbitration noong 2016 na pumabor sa Pilipinas kaugnay ng sigalot sa West Philippine Sea.
Ipinaalala rin ni Tarriela ang caricature na dati niyang inilabas na naglalarawan kay Chinese President Xi Jinping na mariing tinutulan noon ng pamahalaan ng China at ng embahada nito sa Pilipinas.
“Isang caricature lang ay iniyakan na nila — nag-file pa ng diplomatic protest dahil binastos ko raw ang kanilang lider. Ngunit dito, sa video na ito na mahigit isang minuto, ang binabastos at minamaliit ay ang ating pagka-Pilipino mismo,” ani Tarriela.
Binanggit din ng opisyal na may ilang mambabatas noon na nanawagang humingi siya ng paumanhin sa China dahil sa naturang caricature.
“Ngayon kaya, sasabihin din ba nilang ang China naman ang dapat humingi ng tawad dahil tayong mga Pilipino mismo ang binababoy ng video na ito?” dagdag niya.
Sa kanyang Facebook post, sinabi ni Tarriela na hindi dapat pumayag ang mga Pilipino na maliitin at insultuhin ang kanilang pagkatao.
“Mga kababayang Pilipino, hindi po tayo unggoy at huwag tayong pumayag na gawing unggoy,” aniya.
Samantala, may mga ulat ding lumutang noon sa social media hinggil sa umano’y paggamit ng salitang “unggoy” laban sa mga Pilipino sa ilang online platforms sa China, kabilang ang mga komentong may kaugnayan sa tensyon sa West Philippine Sea.
Gayunman, ilang opisyal at awtoridad ang nagsabing walang opisyal na pahayag mula sa pamahalaan ng China na tumatawag sa mga Pilipino bilang “unggoy” at nagbabala laban sa pagpapakalat ng hindi beripikadong impormasyon na maaaring magpalala sa tensyon sa pagitan ng dalawang bansa.
(JESSE RUIZ)
36 