IMPEACHMENT TRIAL NI VP SARA TARGET TAPUSIN BAGO MAGPASKO

UMAASA si House lead prosecutor at Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro na matatapos ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte bago sumapit ang Pasko.

“Ako, I am personally aiming bago mag-Pasko para masaya ang Pasko nating lahat,” pahayag ni Luistro sa isang press conference matapos ang ikaanim na araw ng impeachment trial.

Ayon kay Luistro, isa sa mga dahilan ng pagbabawas nila ng mga ihaharap na testigo ay upang mapabilis ang pag-usad ng paglilitis.

Ipinaliwanag ng House lead prosecutor na nagpasya silang alisin ang ilang testigo sa ilalim ng Article IV matapos nilang makita na sapat na ang mga naunang testimonya nina National Bureau of Investigation (NBI) Agent John Mark Calilung at NBI Regional Director Atty. Jeremy Lotoc.

Aniya, malalaman lamang kung kinakailangan pang magdagdag o magbawas ng mga testigo matapos marinig nang buo ang testimonya ng mga ito sa witness stand.

“Indeed, it is only after you’ve heard entirely the testimony of these witnesses when you will be able to evaluate, sapat na ba? Kulang ba? Kailangan bang dagdagan?” paliwanag pa ni Luistro.

Nakatakdang tumestigo sa Martes, Hulyo 21, si National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag bilang huling testigo ng House prosecution panel para sa Article IV.

Matapos nito ay isusunod na ng prosekusyon ang pagtalakay sa Article I na may kaugnayan sa paggamit ng confidential funds ni Vice President Duterte.

(TINA MENDOZA)

45

Related posts

Leave a Comment