MINALIIT ni Senador Imee Marcos ang pahayag ni Department of Agriculture (DA) Sec. William Dar na sisiguruhin nitong babahain ng isda ang Metro Manila habang kulang ang supply ng karneng baboy ang merkado.
Sinabi ni Marcos na hindi nakapagtatakang maraming isda sa mga palengke habang walang tindang baboy dahil fish season ngayon.
Giit ng senador, hindi dapat ipagmalaki ng DA na maraming supply ng isda gayung malaki naman ang problema sa supply ng karneng baboy.
“Talaga namang dadami ang isda ngayon kahit walang kautusan si Sec. Dar dahil ‘yung closed season sa Palawan ay katatapos lang, at sa Zamboanga naman ay magbubukas ang fishing season sa katapusan ng Marso.
Pangasinan bangus producers are also able to supply. Pero, bakit isda naman ang pakikialaman natin? Asikasuhin muna natin problema sa baboy at pati manok,” paliwanag pa ni Marcos.
Ayon pa kay Marcos, nangangamba itong sa mga susunod na araw ay ipahayag naman ng DA na may pagkukulang naman ang supply ng isda sa merkado.
Kasabay nito, hiniling ni Marcos kay Department of Justice (DOJ) Sec. Guevarra na atasan ang National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng imbestigasyon kung totoong may ilang negosyante ang nagsasamantala at nagmamanipula sa presyo ng karneng baboy. (NOEL ABUEL)
