GUTOM ‘NEW NORMAL’ SA PINAS?

(BERNARD TAGUINOD)

SA gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin lalo na ang pagkain, mistulang nagiging “new normal” na rin ang pagkagutom ng sambayanang Pilipino.

Ganito ang naging pananaw ni Magsasaka party-list Rep. Argel Cabatbat kaugnay ng kinakaharap na krisis ng mamamayang Pilipino kaya dapat umanong aksyunan ito ng gobyerno.

“Hungry should not be the new normal,” ani Cabatbat sa virtual press conference ng Minority bloc sa Kamara kaugnay ng nasabing usapin dahil hindi lamang ang presyo ng karne ng baboy at manok ang tumaas kundi ang lahat ng gulay at iba pang pagkain.

Ang salitang ‘new normal’ ay ginamit sa bagong pamumuhay ng mamamayan dulot ng pandemya sa COVID-19 na mag-iisang taon na sa susunod na buwan kung saan hindi maaaring umalis sa bahay na hindi nagsusuot ng face mask, face shield at kailangang palagiang maghugas ng kamay o magpahid ng alcohol.

“Kung titingnan ho natin ang realidad ng buhay ng pinakamahihirap nating mga kababayan, mabilis at patuloy ho ang paglubog nila sa putik ng kahirapan. Hindi maganda ang lagay ng ekonomiya at nakaaalarma ang pagtaas ng presyo ng lahat ng pangunahing bilihin, lalo na ng pagkain sa bansa,” ani Cabatbat.

Mas mahal aniya ang pagkain ngayon kumpara noong Disyembre na hindi aniya normal kaya kailangang gawan ng paraan ng gobyerno dahil kung hindi ay magiging new normal na rin ang pagkagutom.

 

BINALEWALA NG DA

Sa nasabi ring press conference, isinisi ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate sa Department of Agriculture (DA) ang tuluyang pagsabog ng aniya’y “bomba” na African Swine Fever (ASF) na kanyang ibinabala noong 2018 pa.

Ayon sa mambabatas, inalerto nito ang DA sa ASF dahil magiging bomba ito sa sektor ng pagbababoy sa bansa subalit ipinagkibit-balikat lamang umano ng nasabing ahensya.

305

Related posts

Leave a Comment