Parlade kumasa sa fake news ng reporter-columnist MON TULFO HINANAPAN NG ‘BALLS’

MISTULANG ipinamukha ni Lt. Gen. Antonio Parlade Jr. na “walang bayag” ang reporter-columnist na si Ramon Tulfo ng The Manila Times (TMT) dahil sa pulpol umanong akusasyon nito laban sa pinuno ng Southern Luzon Command (SoLCom) ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ani Parlade, napakalayo niya kay Tulfo kung palakihan lang ng bunganga at katotohanan ng mga pahayag sa media ang pag-uusapan.

“Hindi malaki ang bunganga ko tulad ni Mr. Ramon T. Tulfo, pero sinisiguro ko, mas malaki ang puso ko para sa bayan. Hindi man ako articulate pero TOTOO ang sinasabi ko, hindi tulad ng sinasabi ni Mr. Tulfo na puro base sa nabasa niya sa dyaryo at maling basa niya, ” birada ni Parlade sa beteranong police reporter na sa kalauna’y naging kolumnista ng TMT.

Bukod sa pagiging pinuno ng SoLCom tagapagsalita rin si Parlade ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Ang punto ni Parlade ay hindi man siya kasing husay ni Tulfo sa pagpapaliwanag ng mga isyu, tiyak naman ng heneral na “totoo” ang kanyang pahayag sa ibinatay sa “first – hand information” kumpara sa datos na pinanghahawakan ni Tulfo na pawang binasa lamang niya sa mga pahayagan.

Ang pahayag ni Parlade ay reaksyon sa mga banat ni Tulfo.

Nilinaw ng heneral ang bintang sa kanya na inakusahan niya ang mga sikat na personalidad na sina Liza Soberano, Angel Locsin at Catriona Gray na mga kasapi sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army – National Democratic Front of the Philippines (CPP-NPA-NDFP).

“Sino nag sabi na komunista sina Liza, Angel, at Catriona? Ako? Hindi po Mr. Tulfo, Hindi ako ang nag-redtag sa kanila. Baka ikaw? Kung ako sa iyo, magbasa ka muna ng mga post ko at huwag umasa sa mga articulate mong researchers, “ratsada ni Parlade na naka-post sa kanyang social media account.

Pinayuhan pa ng heneral ang kolumnista: “Kung ako sa iyo, magbasa ka muna ng mga post ko at huwag umasa sa mga articulate mong researchers”.

Ipinaalala rin ni Parlade na ibinasura na ng Korte Suprema ang petisyon ng dalawang Aeta hinggil sa pagpapahirap umano sa kanila ng mga sundalo bilang unang kaso ng paglabag ng Anti Terrorism Law (ATL).

“Oo nga pla Mr. Tulfo, nagdesisyon na ang SC na hindi puwede ang testimonya ng 2 Aeta na nagsabi na pinakain sila ng dumi ng sundalo,” pahayag ng heneral.

“Ito ay puno propaganda na itinuro lang sa kanila ng NUPL. Baka meron kang puwedeng isulat na maganda para makatulong ka naman sa bayan natin,” patuloy niya.

Matatandaang isinulat kamakailan ng Tetch Tupas ang tungkol sa pagpapahirap umano ng mga sundalo sa dalawang Aeta para sa Inquire.Net kung saan inakusahan ni Parlade ang report “propagandista” ng komunistang kilusan.

Idiniin ni Parlade na hindi totoo ang akusasyon ng mga Aeta.

Iniulat na ito ni Tupas nooong nakalipas na taon, ngunit inulit ng reporter mula sa paghawak ng National Union of Progressive Lawyers (NUPL) sa kaso ng dalawang Aeta, dahilan upang batikusin at akusahang kinikilingan niya ang kasinungalingan ng dalawang Aeta.

Kamakalawa, humingi ng tawag si Parlade kay Tupas sa isyu ng pananakot dahil ayon sa heneral hindi niya layuning takutin ang reporter ng Inquire.Net (NELSON S. BADILLA)

394

Related posts

Leave a Comment