Conferences, exhibitions, pinayagan din SINEHAN, ARCADE BUBUKSAN NA

(CHRISTIAN DALE)

NAGDESISYON ang Inter-Agency Task Force (IATF) na paluwagin ang restrictions sa religious gatherings ng 50% sa mga lugar na nassa ilalim ng General Community Quarantine epektibo sa Lunes, Pebrero 15.

Bukod dito, asahan na rin ang pagbubukas ng mga negosyo tulad ng sinehan dahil hindi na umano tumataas ang attack rate ng COVID-19 at hindi na masikip ang mga hospital.
“In other words, wala po tayong problema pagdating sa ating utilization rate,” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque.

Ani Sec. Roque, alinsunod ito sa katotohanan na kinakailangan magbukas pa ng ekonomiya upang magkaroon ng karagdagang hanapbuhay ang mamamayan.

“Yung mga nabuksan nating industriya marami pong nagtatrabaho dyan na matagal nang walang hanapbuhay, ngayon po makapaghanapbuhay na sila muli,” ayon kay Sec. Roque na ang tinutukoy ay ang mga
sumusunod: driving schools; mga sinehan o traditional cinemas; video and interactive game arcades; libraries, archives, museums at cultural centers; meetings, conferences and exhibitions; at limitadong social events at accredited establishments ng Department of Tourism.

Inaprubahan din ng IATF ang muling pagbubukas ng limited tourist attractions tulad ng parks, themed parks, natural at historical sites.

Hinggil naman sa pagpayag na muling magbukas ang mga sinehan o traditional cinema ay sinabi ni Sec. Roque na ito ay “subject to gudielines to be issued not only by the Department of Health but also by the local government unit.”

“Sigurado po ‘yan nandyan ang social distancing, kung ano ang isusuot habang nanonood ng sine. Antayin na lang natin ‘yung mga detalyeng ito na iisyu ng Department of Health at mga lokal na pamahalaan,” saad pa ni Sec. Roque.

Tiniyak din niya na ito ay para sa mga lugar na nasa ilalim ng GCQ dahil ang mga lugar na nasa ilalim naman ng MGCQ ay talaga naman nasa 50% capacity na ang mga negosyo.

BUMABA SA 5%

Kaugnay nito, inanunsyo ng Department of Health (DOH) na bumabagal ang pagdami ng kaso ng COVID-19 sa bansa.

Ayon kay Dr. Alethea de Guzman ng DOH-Epidemiology Bureau, bumaba sa limang porsiyento ang kaso ng COVID-19 ngayong Pebrero sa buong bansa mula sa walo hanggang siyam na porsiyento nitong mga nakalipas na buwan.

Ani De Guzman, maging ang healthcare utilization rate sa lahat ng rehiyon ay nakita ng DOH na “ligtas”.

Ibinatay ng opisyal ang obserbasyon sa datos na ipinarating sa DOH ng iba’t ibang sangay ng kagawaran sa lahat ng rehiyon sa bansa.

Magandang resulta ito na taliwas sa pinangambahan noon na posibleng tumaas uli nang todo ang bilang ng mga kaso ng COVID-19, sa pangkalahatang sitwasyon ng bansa, dahil sa dalawang malaking pagdiriwang ng mga Pilipino noong Disyembre (Pasko at Bagong Taon).

Umaasa ang DOH na magpapatuloy ang nasabing positibong resulta sa pagsawata sa COVID-19 hanggang matuloy ang programang pagtuturok ng bakuna sa milyun-milyong Pilipino mula huling linggo ng kasalukuyang buwan hanggang 2023.

Ang bakuna mula sa iba’t ibang kumpanya sa labas ng bansa ay tiniyak ng mga dalubhasa na makatutulong nang malaki upang masigurong ligtas ang mga Pilipino mula sa COVID-19. (NELSON S. BADILLA)

245

Related posts

Leave a Comment