P30-M DROGA HULI NG BOC AT PDEA

MAHIGIT P30 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam ng Bureau of Customs (BOC) sa magkahiwalay na operasyon sa Pasay City at Clark, kabilang ang pagkakaaresto ng isang claimant na nagtangkang kunin ang drug-laden parcels.

Ayon sa pahayag ng Bureau of Customs–Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA), naharang sa Central Mail Exchange Center sa Pasay City ang dalawang inbound parcels na naglalaman ng tinatayang 505 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P3.43 milyon.

Nadiskubre ang mga kontrabando matapos ma-flag ang mga parsela sa isinagawang customs screening at risk assessment bago sumailalim sa physical inspection.

Nakipag-ugnayan agad ang mga opisyal ng Customs sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group, at iba pang ahensya para sa pagsusuri, imbentaryo, at dokumentasyon ng ebidensya.

Naaresto rin ang claimant na nagtangkang tumanggap ng mga parsela at isinailalim sa imbestigasyon para sa pagsasampa ng kaukulang kaso.

Nagpositibo sa shabu ang mga nakumpiskang sangkap at inihahanda na ang mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Customs Modernization and Tariff Act.

Samantala, nasabat din ng BOC-Port of Clark ang isang shipment na naglalaman ng 4.05 kilo ng hinihinalang shabu na may halagang P27.54 milyon.

Idineklara ang parsela bilang nail powder at iba pang salon products, na dumating mula sa Estados Unidos noong Hunyo 9 at nakatakdang ipadala sa Mandaluyong City.

Dahil sa kahina-hinalang resulta ng X-ray scanning at profiling, isinailalim ito sa masusing inspeksyon kung saan natuklasan ang mga puting kristal na sangkap na itinago sa mga lalagyang may label na nail powder products.

Kinumpirma ng paunang pagsusuri gamit ang Rigaku spectrometer, na shabu ang mga nakuhang sangkap, habang ipinadala ang mga sample sa PDEA para sa confirmatory laboratory examination.

Nagpalabas naman ang BOC ng warrant of seizure and detention laban sa shipment dahil sa paglabag sa mga batas sa customs at ilegal na droga.

(JESSE RUIZ)

45

Related posts

Leave a Comment