INATASAN ng Department of Justice (DOJ) ang National Bureau of Investigation (NBI) na mag-ingat sa pagbibigay ng impormasyon kaugnay sa imbestigasyon sa pagkamatay ng dalawang Ateneo basketball players upang maiwasan ang pagkalat ng haka-haka.
Ito ay matapos tumanggi ang NBI na magkomento sa inisyal na resulta ng imbestigasyon ng pulisya na nagsasabing posibleng hindi aksidente ang pagkamatay ng dalawang manlalaro.
Ayon kay NBI Director Atty. Melvin Matibag, magkahiwalay o parallel ang isinasagawang imbestigasyon ng NBI at Philippine National Police (PNP).
Matatandaang unang iniulat na nalunod noong Hunyo 8 sa isang beach resort sa Dipaculao, Aurora sina Rene Baterbonia at Divine Adili habang nasa training activity.
Samantala, isinailalim na ng DOJ sa Immigration Lookout Bulletin Order ang buong coaching staff ng Ateneo de Manila University basketball team.
Kabilang dito si head coach Tab Baldwin at mga assistant coach na sina Christopher Quimpo, Reynaldo Jacinto Jr., Zandro Soriano at Dean Castaño.
Hinimok din ng DOJ ang publiko na hayaang gawin ng mga law enforcement agency ang kanilang trabaho at iwasan muna ang mga espekulasyon habang patuloy na sinusuri ang mga ebidensya.
Sisilipin Pananagutan ng Ateneo
Tututukan din ng DOJ ang posibleng pananagutan ng Ateneo de Manila University kaugnay sa pagkamatay nina Baterbonia at Adili.
Ito ang tiniyak ni Justice Secretary Fredderick Vida sa isang press conference nitong Miyerkoles.
Ayon sa kalihim, nagsisilbing pangalawang tahanan ng mga estudyante ang isang unibersidad kaya may obligasyon itong tiyakin ang kaligtasan at kapakanan ng mga mag-aaral.
Sinabi ni Vida na hindi lamang nakatuon ang imbestigasyon sa head coach at mga assistant coach ng Ateneo basketball team kundi maging sa posibleng pagkukulang o kapabayaan ng pamunuan ng unibersidad.
Kabilang sa sisiyasatin ang pagpili ng lugar kung saan isinagawa ang team-building activity na nauwi sa trahedya.
Giit ng DOJ, mahalagang matukoy ang lahat ng maaaring managot upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng dalawang estudyante-atleta.
(JULIET PACOT)
45 