BYPASS ROAD NAGHATID NG SAYA SA MGA ESTUDYANTE NG ‘LAST MILE SCHOOLS’

HINDI lamang saya kundi naghatid din ng pagbabago para sa mga mag-aaral ng tinaguring ‘Last Mile Schools’ sa Bulacan, ang pinasinayaang konstruksyon ng Doña Remedios Trinidad-Dingalan Bypass Road.

Ayon sa Department of Education (DepEd), tinuldukan na ng 67.93 kilometrong kalsada na itinayo ng Department of Public Works and Highways (DPWH), ang matagal nang hamon sa transportasyon, na nagbigay-daan sa mas mabilis at maginhawang biyahe, hindi lamang sa mga estudyante kundi pati na rin sa buong komunidad.

Sinabi pa ng kagawaran na matagal nang naging hadlang sa edukasyon ang malalayo at bulubunduking bahagi ng bayan ng Doña Remedios Trinidad dahil sa nakapapagod na lakarin pati na rin sa mga guro, ang maalikabok at maputik na daanan.

Ang mga nasa kategoryang ‘Last Mile Schools’ ng DepEd ay ang mga eskuwelahan na nasa malalayong lugar na mahirap puntahan kabilang na rito ang Talamsi I Elementary School, Talamsi II Elementary School, Kalawakan Elementary School at Kambubuyugan Elementary School ng nasabing bayan.

Sa pahayag ni DepEd Secretary Sonny Angara, sinabi nito na ang pagpuno sa mga kakulangan sa pisikal na akses ay kritikal upang makamit ang pagkakapantay-pantay sa mga pinakamalalayong kampus sa bansa.

“Ang proyektong ito ay patunay lamang na hindi lang natin tinatapos ang pisikal na isolation kundi tinutuldukan natin ang kakulangan sa oportunidad sa edukasyon sa mga pinakamalayong kabundukan,” sabi ni Angara.

“Sa pagtutulungan ng DepEd at DPWH para sa mga ligtas na kalsada at modernong silid-aralan, tinitiyak natin na ang foundational at quality education ay abot-kamay na rin ng bawat bata sa ating mga Last Mile schools,” dagdag pa ng Kalihim.

Bukod sa kalsada, umabot din ang tulong-imprastraktura sa loob mismo ng paaralan kung saan isang bagong gusaling may apat na silid-aralan ang itinayo ng DPWH sa Talamis II Elementary School at kumpleto ito sa solar energy system, water system, at satellite internet connection.

Nagpasalamat naman ang ilang guro at magulang dahil hindi na sila maglalakad ng mahabang oras sakay ng kabayo o kalabaw kundi angkas na ng motor at hindi na pumapasok ang mga mag-aaral na balot ng putik ang uniporme.

(NEP CASTILLO)

42

Related posts

Leave a Comment