KALINGA – Hawak na ng Tabuk City Police Office ang isang sundalo na itinuturong namaril sa dalawang kawani ng kapitolyo ng nabanggit na lalawigan noong Martes ng gabi na ikinamatay ng bodyguard ni Kalinga Governor Ferdinand Tubban Jr., habang malubhang nasugatan ang isa pang biktima, ayon sa ulat ng pulisya nitong Miyerkoles.
Kinilala ang suspek na si Army Corporal Denmark Baddongon, kasapi ng 503rd Infantry Brigade, Philippine Army, residente ng Naneng, Tabuk City, Kalinga.
Ayon sa ulat ng pulisya, kinilala ang mga biktimang sina Denver Sangdaan Tubban, residente ng Purok 1, Bulanao, Tabuk City, Kalinga, at Jenner Bananao Ewad, residente ng Magnao, Tabuk City, Kalinga.
Ayon kay P/Col. Davey Vicente Limmong, provincial director ng Kalinga Police Provincial Office, ipinaubaya sa kanila ng Army 503rd IB ang imbestigasyon sa kaso laban sa suspek na nasa kustodiya ng military.
Lumitaw sa inisyal na pagsisiyasat na lasing ang suspek nang pumasok ito sa Florendo Compound sa Purok 6, Bulanao, Tabuk City na may dalang baril.
Agad kinompronta ni Cpl. Baddongon ang biktimang si Denver Tubban hinggil sa reimbursement umano ng kanyang P2,000.
Pagkaraan ay walang habas umanong nagpaputok ng baril ang suspek kaya sinaway ito ni Tubban na humantong sa kanilang pagtatalo hanggang sa tuluyang binaril ng sundalo ang biktima.
Sumunod na pinaputukan ng suspek si Ewad nang tinangka nitong tulungan ang sugatang si Tubban.
Dead on arrival sa Kalinga Provincial Hospital si Tubban na tinamaan ng anim na bala habang nasa ligtas nang kalagayan si Ewad.
Makaraan ang insidente ay nagpasundo sa militar ang suspek mula sa bahay ng kanyang ina.
Napag-alaman na hindi naka-duty ang suspek nang mangyari ang insidente.
Sinabi ni Col. Limmong, ang suspek ay nahaharap sa kasong murder at frustrated murder. (JESSE KABEL)
