ISANG kasapi ng tinaguriang “Eagle drug group” ang nadakip ng mga tauhan ni Philippine National Police – Anti-Kidnapping Group director, P/BGen. Jonnel C. Estomo sa ikinasang law enforcement operation sa Bacoor City, sa lalawigan ng Cavite.
Ayon kay PNP-AKG spokesman, P/Major Ronaldo Lumactod, bandang alas-10:15 ng umaga noong Martes nang masakote ng kanilang mga tauhan si Michael Alinsob Bergado sa Alcoba St., Barangay Salinas, Bacoor City, sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Hon. Mildred Jacinto Marquez, presiding judge ng Family Court Branch 2, NCR Judicial Region, Las Piñas City.
Inihayag ni Maj. Lumactod na si Bergado ay tauhan umano ni Edgardo Enriquez alyas “Pakpak” na lider ng Eagle drug group na kumikilos sa Metro Manila at NCR Region 4A.
Sangkot din ang nasabing grupo sa serye ng robbery at carnapping cases, at kabilang sa naging mga biktima ang isang Yiping Liu, Chinese national na residente sa SMDC Breeze Residences sa Pasay City.
Nagtrabaho rin umano ang suspek sa isang Pogo Hub Operator at nagsilbing goon at sangkot sa extortion activities.
Ilang araw na tiniktikan ang suspek hanggang sa matunton ito ng mga tauhan ni P/Lt. Col. Renato B. Ocampo, hepe ng IEFLD, sa tulong ng mga elemento ng PNP-HPG Cavite team, sa ilalim ng Manhunt Charlie Operation.
Nakuha sa pag-iingat ng suspek ang isang cal. .45 pistol. isang magazine para sa cal. .45 na may pitonng live ammunitions, at isang fragmentation grenade.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng PNP AKG ang suspek para sa pagsasampa ng kasong paglabag sa RA 10591, bago ibalik ang warrant of arrest sa issuing court para sa commitment order. (JESSE KABEL)
