BUKSAN na kung buksan ang ekonomiya. Huwag ng magpatumpik-tumpik pa dahil baka mamatay naman sa gutom ang mga tao dahil wala ng makain at kung may pagkain mang mabibili ay napakamahal naman at hindi kaya ng mga ordinaryong mamamayan.
Inaamin na ng gobyerno na matindi na ang problema ng bansa at kailangang ibalanse ang isyu sa kalusugan at ekonomiya dahil kung isang isyu lang ang pagtutuunan ng pansin baka sa kangkungan na tayo pupulutin sa dulo ng tunnel.
Mag-iisang taon na tayong nakatutok sa covid-19 pandemic dahil hindi ginawa ng mga opisyales ng gobyerno ang dapat gawin para hindi sana kumalat ang virus na ito na in-import ng isang Chinese national sa ating bansa.
Nagpatumpik-tumpik kasi si Health Secretary Francisco Duque III at pinagdudusahan natin ito ngayon mula noong Marso 2020. At mula noon kahit diyan pa nakatutok ang gobyerno pero umabot pa rin sa mahigit kalahating milyong Pinoy ang tinamaan at 11,000 ang namatay sa virus na ito.
Naging dahilan yan kaya nairehistro ang negative 9.5 growth ng Gross Domestic Product (GDP) na pinakamalala simula 1947 at patuloy na tumataas ang national debt dahil walang kita ang gobyerno.
Nairehistro rin na umaabot na sa 10.2% ang unemployment rate sa Pilipinas. Higit 5 milyong Filipino ang nawalan ng trabaho hindi pa kasama dyan ang daan-daang libong overseas Filipino workers (OFWs) na napilitang umuwi dahil nagsara ang kumpanyang pinagtatrabuhan nila sa ibang bansa dahil sa pandemya at wala rin silang napasukang trabaho.
Pinatigil ang biyahe ng mas malaking bilang ng nasa transport sector, hinigpitan ang mga tao sa pag-uwi nila sa probinsya para hindi raw makapag-uwi ang mga ito ng virus.
Dahil dyan, napabayaan ang ekonomiya natin kaya sa halos isang taong pandemya, nawalan ang gobyerno ng P1.4 Trillion at araw-araw ay nadadagdagan ito ng P2.8 billion hangga’t hindi nabubuksan ang ekonomiya.
Bakit nangyari yan? Dahil walang pera ang mga tao na para gastusin dahil limitado ang tulong ng gobyerno. Isang beses lang tumanggap ng ayuda ang pamilyang Filipino sa 18 milyong pamilya na target sa Special Amelioration Program (SAP), lumalabas na humigit kumulang 15 milyong pamilya lang ang nakatanggap ng tulong pinansyal sa ilalim ng Bayanihan 1 at 2.
Lumalabas sa mga report na ang kabuuang tulong ng gobyerno sa mga Filipino ay US$10 Billion o katumbas lang ng P48 Billion hanggang P50 Billion sa palitang P48 hanggang P50 sa bawat isang dolyar.
Maliit ito kumpara sa US$20 billion na ayudang ibinigay ng Vietnam sa kanilang mamamayan kahit hindi masyadong apektado sa Covid-19 dahil agad silang nagsara ng kanilang border lalo na sa mga Chinese nationals.
Napakaliit din yan kumpara sa Thailand ay nakapagbigay na ng US$ 75 billion sa kanilang mamamayan hsabang $60 Billion sa Malaysia; US$40 Billion sa Singapore habang US$30 billion a sa Singapore.
Ibig sabihin, napakalaking pera ang ginastos pa rin ng mga tao sa tao sa Vietnam, Thailand, Malaysia, Singapore at iba pang bansa kasama na ang Estados Unidos kaya kung naapektuhan man ang kanilang ekonomiya ay hindi naman umabot sa negative growth.
Kumpara sa Pilipinas na P5,000 hanggang P8,000 lang ang ibinigay na ayuda sa bawat 15 milyong pamilyang Filipino kaya magtataka pa ba kayo na negatibo ang ekonomiya ng bansa?
Saka lang napag-isipan ng Kongreso na dagdagan ang ayuda at bibigyan daw ng tig-P1,000 ang bawat Filipino at 108 milyong Pinoy ang bibigyan ng ganitong kaliit na halaga. Saan makakarating yan eh P2.8 billion nga ang nawawala sa atin araw-araw?
234 