SA kabila ng mabigat na kaparusahan at malaking multa na nakapaloob sa Anti-Rabies Act of 2007 (Republic Act No.9482) ay mistulang hindi pinapansin ito ng mga may-ari ng mga aso.
Bakit natin nasabi yan? Kasi hanggang sa ngayon ay marami pa ring mga aso na pagala-gala sa mga lansangan.
Ito yung mga sinasabing AsKal o Asong Kalye.
Mapanganib ang mga asong ito dahil ang rabies ng mga ito ay nakabubuwang at nakamamatay.
Bukod sa kagat ng mga ito ay may dala ring sakit ang dumi ng mga ito.
Base sa ating nakuhang impormasyon, ang dumi ng asong kalye ay nag-iiwan ng mga itlog na nagdudulot ng cryptosporidium, giardia at salmonella na nakakaapekto sa tao.
Sa madaling salita, perwisyo sa tao ang pagala-galang mga aso.
Paalala po sa mga pabaya sa kanilang mga aso. Base sa Anti-Rabies Act of 2007 o RA No. 9482, ang ayaw pabakunahan ang kanilang mga aso ay may kaakibat na P2,000 multa; pag nakakagat si bantay ay P10,000 ang multa; pag nakakagat si bantay at ayaw tulungan ng kanyang amo ang kanyang nakagat, panibagog P25,000 multa at ang pinakahuli kung ayaw ikulong si bantay ay P500 multa sa kanyang amo.
Paalala po, ang batas na ito ay hindi lamang pang siyudad, munisipyo o pang baranagay kundi pang nasyunal po.
Ibig sabihin ang batas na ito ay sakop ang buong bansa.
Napapansin po kasi ng PUNA sa ating pag-iikot bilang isang mamamahayag ay nakikita nating maraming nagkalat na mga aso sa mga lansangan.
Maraming naitatalang namamatay sa kagat ng aso sa buong bansa taun-taon, pero parang di pinapansin ng mga kinauukulan ito.
Ito ay dahil na rin sa kapabayaan ng mga may-ari ng mga aso.
At siyempre, kapabayaan na rin ng nakasasakop sa kanilang mga lugar tulad ng barangay chairmen, mayors at governors.
Hindi nila naipapatupad ng maayos ang Anti-Rabies Act of 2007 (RA No. 9482).
Bakit natin nasabing hindi naipatutupad ng maayos ang batas na ito? Kasi marami pa ring nagkalat na mga aso sa kani-kanilang nasasakupan.
Kung mapanganib ang COVID-19 ay mas mapanganib ang rabies ng aso.
Pag ang tao ay nakagat ng asong may rabies ay nauulol siya tulad ng aso hanggang sa siya’y mamatay.
Kung minsan ay inaabot pa ng taon bago pa umepekto ang rabies sa tao.
Ganun katindi ang rabies ng aso kaya hindi ito dapat balewalain ng mga nag-alalaga sa kanila.
Kapag nakaapak naman ang tao ng dumi ng aso ay lumilipat sa kanyang katawan ang bacteria na pangkaraniwang pinagmumulan ng lagnat, muscle pains, sakit ng ulo, pagsusuka at pagtatae.
Ang problema pa nito ay hindi alam ng tao kung saan nanggaling ang kanyang karamdaman.
Ang mga ganitong problema ay maiiwasan sana kung hindi tayo nagiging pabaya.
Para sa mga LGU, Barangay at provincial governments, ipatupad nyo ng tama ang batas na nagtuturo kung paano magiging responsable ang mga may-ari ng mga aso.
Nakamamatay po ang kagat ng aso na hindi nyo dapat binabalewala.
Maraming natatanggap na reklamo ang PUNA na maraming lugar sa buong bansa ang hindi ipinatutupad ng tama ang Anti-Rabies Act of 2007.
Lalo na ang mga barangay official na sila mismo ang nakakakita sa kanilang mga lugar na may mga pagala-galang aso.
‘Wag nyo po balewalain ang batas, ipatupad nyo ng maayos para sa kaligtasan ng inyong nasasakupan.
Pahalagahan po natin ang buhay ng ating kapwa, “aanhin pa ang Damo kung wala na ang Kabayo”?
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com o mag-text sa 0919-259-59-07.
