ARESTADO ang isang 44-anyos na motorcycle rider nang makumpiskahan ng baril-barilan at shabu matapos tangkaing takasan ang mga pulis na nagsasagawa ng Oplan Sita sa Valenzuela City.
Patong-patong na kaso ang kahaharapin ni Ramil Turba, ng Brgy. Gen. T. de Leon sa nabanggit na lungsod.
Ayon sa ulat, alas-11:30 noong Huwebes ng gabi, nagsasagawa ng Oplan Sita sa kahabaan ng T. Conception St., Brgy. Marulas ang mga parak nang maispatan si Turba na nagmamaneho ng motorsiklo at may nakabukol sa baywang.
Nang parahin ay tinangkang umiskyerda ng suspek ngunit naharang ng mga alagad ng batas.
Agad kinumpiska ng mga parak ang silver replica ng .45 kalibreng baril na nakasukbit sa baywang ng suspek at nang kapkapan ay nakuha pa ang isang aluminum tube na may kasamang isang plastic sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang P680 ang halaga. (ALAIN AJERO)
148
