QUEZON – Isang bangkay ng babaeng nakagapos ang mga kamay ang natagpuan sa isang makitid na barangay road sa bayan ng Tagkawayan, Biyernes ng umaga.
Batay sa report ng Tagkawayan Police, nadiskubre ng isang residenteng bibili ng pandesal ang bangkay na nakabulagta sa barangay road ng Bagong Silang dakong alas-5:30 ng umaga.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, natuklasan na may dalawang tama ito ng bala ng hindi pa matukoy na kalibre ng baril sa ulo.
Ayon pa sa mga imbestigador, posibleng iniwan lamang doon ang bangkay ng biktima matapos patayin sa ibang lugar dahil wala namang narinig na putok ng baril ang mga residente roon.
Walang pagkakakilanlan sa babae na tinatayang edad 30 hanggang 35, maputi, may tattoo sa kaliwang braso at may marka ng operasyon sa tiyan.
May nakitang brown sholder bag sa tabi ng biktima na may lamang resibo mula sa isang gasolinahan sa Paracale, Camarines Norte at isa pang resibo mula sa isang department store sa bayan ng Daet.
Ngunit ayon sa ilang post sa social media sa larawan ng biktima, sinasabing taga-bayan ng Mercedez sa Camarines Norte ito.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang posibleng motibo sa pagpatay sa biktima at kung paano napunta sa nasabing lugar ang bangkay nito. (NILO DEL CARMEN)
155
