INGINUSO ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang plano nitong tanggalin na ang travel authority at medical certificate sa pagtungo ng mga Filipino sa kani-kanilang mga lalawigan mula sa Metro Manila (MM) dahil hindi na ito kailangan sa kasalukuyan.
Sinabi ni Undersecretary Epimaco Densing III, nakarating sa DILG na mayroong mga pulis na ang ‘clearance’ sa pagbiyahe ang inaatupag sa mga presinto.
Bago magbigay ng travel authority ang mga pulis, kailangang magpakita sa kanila ng mga biyahero ng medical certificate galing sa doktor ng barangay center.
Ayon kay Densing, naniniwala ang pamunuan ng DILG na wala nang silbi ang medical clearance at travel authority.
Ang mga rekesitong ito ay ipinatupad noong nakalipas na taon ng DILG at pamunuan ng Philippine National Police (PNP) upang matiyak na hindi ‘vulnerable’ sa COVID-19 ang mga taong bibiyahe.
Ngunit naging dagdag banat ito sa ekonomiya ng bansa dahil napigilan ang mga biyahero na gumastos nang gumastos sa pagtungo nila sa kanilang mga lalawigan.
Ani Densing, ang gustong mangyari ngayon ng DILG ay baguhin ang patakaran nito sa pagbiyahe upang hindi na pahirapan pa ang mga Filipino na gustong magtungo o dumalaw sa kani-kanilang lalawigan. (NELSON S. BADILLA)
