BODYGUARD NG MAYOR, PAMANGKIN WANTED SA PAMAMARIL

CAVITE – Pinaghahanap ng Cavite police ang bodyguard ni Rosario Mayor Voltaire Ricafrente at pamamangkin nito matapos pagbabarilin ang isang pulis na naka-destino sa Bacoor City Police Station (CPS), at ang ama nito sa harapan ng bahay ng mga biktima sa nasabing bayan sa lalawigang ito.

Isinugod sa St. Martin Hospital ang mag-amang sina Pat. Jerome Carlo Pamaran, 31, at Jose Edgardo Pamaran, 54, kapwa residente ng Rosario, Cavite ngunit namatay ang pulis habang nilalapatan ng lunas dahil sa tama ng bala sa ulo habang kritikal ang ama nito.

Tinutugis naman ng mga awtoridad ang magtiyuhing suspek na sina Antonio Perea, alyas “Tonifer”, bodyguard umano ni Mayor Ricafrente, at Earlo John Perea, alyas “Kokoy” kapwa ng nasabi ring bayan.

Ayon sa ulat ni Corporal Ahvegail Darang ng Rosario Municipal Police, dakong alas-8:20 Biyernes ng gabi nang nangyari ang insidente sa harapan ng bahay ng mag-amang biktima.

Bigla na lamang umanong pinagbabaril ng magtiyuhin ang mag-ama habang sila ay nagtatalo.

Tinangka umano ni Pat. Jerome na gumanti ng putok ngunit binaril siya sa ulo ni Tonifer habang tinadtad naman ng bala ang ama nito.

Matapos ang pamamaril, kinuha ni Tonifer ang baril ng pulis saka tumakas kasama ang kanyang pamangkin na si Kokoy.

Bago ang insidente, nagkaroon ng away sa pagitan ni Earl John at isang Calvin Herrera at inawat umano sila ni Pat. Jerome na nagpakilalang pulis subalit sinigawan siya ng una at sinabihan na isusumbong nito sa kanyang tiyuhin (Tonifer).

Nakalipas ang ilang sandali, bumalik ang magtiyuhin sa bahay ng mga biktima kung saan isinumbong ni Kokoy kay Tonifer na pinagbantaan umano siya ni Pat. Jerome at tinutukan ng baril kaya nauwi ito sa pagtatalo na humantong sa pamamaril ni Tonifer sa mag-ama.

Patuloy ang masusing imbestigasyon ng mga awtoridad sa kaso. (SIGFRED ADSUARA)

 

217

Related posts

Leave a Comment