SIMULA nang ako ay nagsulat sa ating kolum na AKOOFW ay sandamakmak na liham na ang aking natatangap mula sa iba’t-ibang grupo at maging mula sa pamilya ng mga OFW.
Isa na rito ang liham mula sa asawa ng isang OFW na nasa Saudi Arabia na labis-labis na ang pag-aalala para sa kanyang asawa.
Bibigyan ko ng puwang ang kanyang buong sulat na ibig din niya iparating kay Pangulo Rodrigo Duterte.
“Ako si Jun San Nicolas asawa ni Gina.Nakikiusap po ako na tulungan nyo pong makauwi ang aking asawa.
Noong una po ok naman sa naging una nyang amo kaso po nagkasakit sya doon kaya binalik ng amo sa kanyang agency. Isang buwan lng sya sa kanyang unang amo.
After 1 1/2 buwan ay nakahanap ulit sila ng magiging amo nya (kasalukuyan). Noong una mabait pa naman amo nya hanggang lumipas ng ilang buwan nagbago ang ugali ng kanyang amo.
Buwan ng Nobyembre ay hindi na sya pinasahuran. Ibinalik sya sa kanyang agency nang hindi nya alam ang dahilan.Pero pagdating sa agency ay sinabihan daw na sinira nya ang reciever ng tubig at ikakaltas daw sa sweldo nya ang 5,000 riyal.
Pero sumagot daw ang aking asawa na hindi nya nasira ito,at sinabi na babayaran nya yun pag tugma ang fingerprint nya sa humawak sa nasirang kagamitan.
Sa pag-uusap nila ng kanyang agency sinabihan daw na babalik na lang sya sa bahay ng kanyang amo kaysa mag change employer at mag-start na naman sya hanggang matapos ang 2yrs. at sinabi ng kanyang agency na ibibigay na ang kanyang sahod kaya bumalik po sya sa kanyang amo.
Bago sya bumalik sa amo inabutan ng agency ng 500 riyal ang aking asawa para daw panggastos nya in case na kailanganin nya ng load may pambili sya.
Pero mula noong bumalik ang aking asawa mas lumala ang kanyang sitwasyon.Apat na buwan na syang walang sahod.Pinagbibintangan syang ninakaw nya yung 500 riyal na binigay ng kanyang agency.
Namamaga ang kanyang mga paa hindi man lng sya pinacheck up.Wala syang hawak na dukomento kinuha lahat sa kanya.
Alam ko po kinuha rin ng kanyang amo ang kanyang celpon kasi pag tinatawagan namin sya nagriring pero kinacancel ang tawag namin.
Hindi naman gawain yun ng aking asawa kaya alam ko wala sa kanya ang celpon nya.
Nagsusumamo po ako na tulungan nyo ang aking asawa na makaalis na sa kanyang amo at makauwi na sa ating bansa sa lalong madaling panahon. Maraming maraming salamat po”.
Ang tinutukoy ni Jun Nicolas ay ang kanyang asawa na si Gina Aguera Nicolas na kasalukuyang nasa Riyadh Saudi Arabia. Ang kanyang ahensya sa Pilipinas ay ang World Renowned Manpower Supply habang ang kanyang ahensya sa Saudi ay ang Al-Omar Manpower.
Ang AKOOFW ay nakikiusap sa kanyang ahensya na World Renowned Manpower na bigyan pansin ang kahilingan na ito na makauwi na sa Pilipinas ang ating kabayani.
oOo
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com
138
