ARESTADO ang isang number 4 most wanted person sa Maynila dahil sa kasong murder, ng mga operatiba ng Manila Police District sa Pandi, Bulacan nitong Sabado ng tanghali.
Walang inirekomendang piyansa ang korte para sa suspek na kinilalang si Alvin Moya, alyas “Mike Pagdaraong,” 29, residente sa Gate 46, Parola Compound, Binondo.
Batay sa ulat ni P/Lt. Col. Robert Domingo, station commander ng MPD-Station 13, bandang alas-11:00 ng tanghali nitong Marso 6 nang arestuhin si Moya sa Pandi, Bulacan, sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Hon. Ana Marie Mas ng Manila Regional Trial Court, Branch 52, dahil sa kasong pagpatay.
Ito ay makaraang magbigay ng impormasyon sa pulisya ang isang “asset” hinggil sa kinaroroonan ng nasabing suspek. (RENE CRISOSTOMO)
