TINAWAG ni Senador Richard Gordon na money-making office ang Land Transportation Office (LTO) dahil sa iba’t ibang programa na hindi dumaraan sa tamang proseso.
Tinukoy ni Gordon ang mga programa kaugnay sa mga plaka ng sasakyan at ang bagong polisiya sa inspeksyon ng mga sasakyan bago ang pagrehistro na ipinaubaya sa Private Motor Vehicle Inspection Companies (PMVIC).
“Talagang nagma-money making,” pahayag ni Gordon sa panayam ng DWIZ.
“Tingin ko ginagamit para may campaign fund. May nag-uutos sa kanila para may campaign fund,” diin pa ni Gordon.
Kinumpirma ni Gordon na sa binubuo nilang committee report kaugnay sa mga alegasyon sa LTO, irerekomenda niya ang pagsasampa ng kasong plunder sa mga sangkot sa iregularidad.
“Yung pinakahepe ng LTO, mukha namang matinong tao at napakagalang nga pero napapaikot siya. Napapapilit siyang gumawa ng desisyon na hindi niya gusto which makes him liable,” dagdag pa ni Gordon. (DANG SAMSON-GARCIA)
