ITINANGGI ni Atty. Ariel Inton, abogado ng United Peoples Against Corruption (UPAC), na tuluyan nang ibinasura ang P1-bilyong civil case laban kina dating House Speaker Martin Romualdez, dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, Quezon City 5th District Rep. Patrick Michael Vargas, at iba pa kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control projects.
Ayon kay Inton, hindi pa nagsisimula ang paglilitis at hindi pa ligtas sa pananagutan ang mga respondent.
“Wala pang trial. Hindi totoo na wala na silang pananagutan. Kaya lang dinismis ng husgado ay dahil hindi nakabayad ng P20 milyon na docket fee ang UPAC,” paliwanag ni Inton.
Ipinaliwanag niyang tinanggihan ng Quezon City Regional Trial Court ang kahilingan ng mga complainant na makapaghain ng kaso bilang pauper litigants, kaya hindi sila na-exempt sa pagbabayad ng filing fees.
Dahil dito, nadismis ang kaso dahil sa kawalan ng hurisdiksyon matapos mabigong mabayaran ang kinakailangang docket fee.
Sinabi ni Inton na inakyat na nila sa Court of Appeals (CA) ang usapin sa pamamagitan ng petition for certiorari upang kwestyunin ang naging desisyon ng RTC.
Ayon pa sa abogado, may mga nag-alok nang sagutin ang P20 milyong docket fee upang maituloy ang kaso, ngunit hindi muna nila ito tinanggap dahil naniniwala silang mababaligtad ng Court of Appeals ang naging pasya ng trial court.
“Salamat, pero hindi muna. May legal remedy pa naman ang mga tao para tumuloy ang demanda,” ani Inton.
Sa kautusang may petsang Abril 15 na isinapubliko nitong Lunes, sinabi ng RTC na wala itong hurisdiksyon sa kaso dahil hindi nabayaran ang filing fee sa kabila ng naunang abiso na inilabas noong Pebrero 20.
Noong Disyembre 2025, naghain si Inton, sa ngalan ng UPAC, ng reklamong “abuse of rights and unjust enrichment” laban kina Romualdez, Co, Vargas, ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH), at mga pribadong contractor.
Iginiit ng mga complainant na ang umano’y mga bigong flood control projects ang dahilan ng patuloy na pagbaha sa Quezon City, partikular sa Novaliches.
66 