MAHIGIT P199 bilyong halaga ng buwis at duties ang nakolekta ng Bureau of Customs (BOC) at Bureau of Internal Revenue (BIR) mula sa mga produktong petrolyo, ayon sa Department of Finance (DOF).
Binaggit ni DOF Secretary Carlos Domiguez III, nakolekta ito sa pamamagitan ng programang “fuel-marking” ng gobyerno.
Layunin ng programa na makalikom ng karagdagang pera ang pamahalaan upang ipangsahod sa mga opisyal at kawani ng gobyerno, panustos sa mga programa at proyekto nito at ayuda sa pinakamahihirap na mga pamilya at matatanda.
Batay sa datos ng DOF, nakulekta ang P199.61 bilyon mula Setyembre 4, 2019 hanggang Marso 4 ng kasalukuyang taon.
Katumbas ito ng 20.55 bilyong litro ng mga markadong produktong petrolyo.
Sa P199.61 bilyon, ang P172.47 bilyon ay nakolekta ng BOC na buwis at duties sa mga kumpanya ng langis mula Setyembre 2019 hanggang Marso 4 ng kasalukang taon, ayon sa DOF.
Ang ambag naman ng BIR ay P27.14 bilyon na nakolekta nito mula Disyembre 2019 hanggang Pebrero 25 ng taong kasalukuyan.
Ang BOC at BIR ay mga sangay ng DOF na mangolekta ng buwis, duties at taripa ng mga produkto at serbisyo ang gawain, tungkulin at obligasyon upang magkaroon ng pera ang pambansang pamahalaan.
Ayon sa DOF, nangunguna ang diesel sa pinagkunan ng buwis at duties sa 60.89 porsiyento, sumunod ang gasolina na 38.57%, at 0.54% mula sa kerosene.
Pinakamalaking nakapagbigay ng duties at buwis sa pamahalaan ay mga negosyanteng nakabase sa Luzon sa puntos na 73.63 porsiyento, pumangalawa ang Mindanao na 21.06 porsiyento ang naibayad, at panghuli ang Visayas sa puntos na 5.30%. (NELSON S. BADILLA)
