CAVITE – Hinihinalang dahil sa pagkalubog sa utang kaya nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbaril sa sarili, ang isang pulis sa loob ng kanilang bahay sa bayan ng Tanza.
Kinilala lamang ang biktima na si P/SSgt. Ruel, 34, nakatalaga sa Trece Martires City Police.
Ayon sa salaysay ng kapatid na si Lorna, 40, dakong alas-4:00 nitong Huwebes ng madaling araw nang dumating ang biktima at nagpalit ng damit saka humiga sa kanilang sala.
Makalipas ang ilang minuto ay pumasok ito sa banyo na sinundan ng putok ng baril.
Agad ginising ni Lorna ang hipag na si Evangeline at nang kanilang buksan ang banyo ay tumambad sa kanila ang duguang biktima. Nasa tabi nito ang service firearm na isang Glock pistol.
Ayon kay Evangeline, nakararanas ng depresyon ang kanyang mister dahil sa dami ng kanilang pinagkakautangan.
Inaalam pa ng pulisya kung may foul play sa pagkamatay ng biktima. (SIGFRED ADSUARA)
431
