WIN: KALIGTASAN NG KABATAANG BABAE ITAGUYOD

SA gitna ng mga bagong paghihigpit dahil sa pag-akyat ng mga kaso ng COVID-19, muling binigyang-diin ni Senador Win Gatchalian ang kahalagahan ng pagpapatuloy ng edukasyon at ng mga programang nagbibigay proteksyon sa mga batang babae na nahaharap sa matinding panganib.

Kamakailan ay ibinahagi ng Commission on Population and Development (POPCOM) ang naging resulta ng isang survey ng Social Weather Stations (SWS), kung saan lumabas na dalawampu’t limang (25) porsyento ng mga Pilipino ay nababahala sa karahasan at pang-aabuso sa kababaihan. Ayon sa naturang survey, labing-isang (11) porsyento ang nababahala sa pisikal na pang-aabuso, pitong (7) porsyento naman ang sa karahasang sekswal, at pitong (7) porsyento rin sa pang-aabusong emosyonal.

Dahil ang kababaihang mag-aaral ay halos isang taon nang nananatili sa kanilang mga tahanan, nanganganib silang makaranas ng karahasan at mataas din ang posibilidad na sila ay huminto ng pag-aaral, babala ni Gatchalian. Ito ay dahil madalas silang inaasahang magbigay ng suporta upang maitawid ang pangangailangan ng kanilang mga pamilya. Kahit na ipinatutupad ng mga paaralan ang distance learning, mahalaga ang pagpapatuloy ng safety nets, kabilang ang mga child protection programs, paliwanag ng senador.

Dagdag ng mambabatas, may papel din ang pagsasara ng mga paaralan sa pag-akyat ng bilang ng batang ina. Ayon sa isang pag-aaral ng Department of Science and Technology – National Research Council of the Philippines (DOST-NRCP), ang pagsasara ng mga paaralan, ang pagkakaroon ng dysfunctional families, at ang kawalan ng access sa sexual at reproductive health education ay ilan sa maituturing na sanhi ng maagang pagbubuntis o teenage pregnancy. (ESTONG REYES)

338

Related posts

Leave a Comment