TINATAYANG P20.4 milyong halaga ng ilegal na droga ang nakumpiska sa ikinasang joint anti-narcotics operation ng Philippine Drug Enforcement Agency at Philippine National Police sa Barangay Walled City, Jolo, Sulu noong Linggo.
Ayon sa ulat na isinumite kay PDEA Director General Wilkins Villanueva ng PDEA-BARMM, sa pamumuno ni Regional Director Juvenal Blanquera Azurin, nadakip sa inilunsad na buy-bust operation ang umano’y bigtime drug dealer na si Ejek Ali Abduhalim, 44-anyos, residente sa Barangay Bas-Nonok, Lugus, Sulu.
Tatlong kilo ng umano’y shabu na may street value na aabot sa P20.4 milyon, ang nakumpiska ng pinagsanib na puwersa ng PDEA Regional office (RO) BARMM, PDEA9, RIU, SAF, Jolo MPS, PPO, 35th Infantry Battalion ng Philippine Army, at CIDG na nagresulta sa pagkakaaresto sa nasabing suspek.
Bukod sa ilegal na droga, nakumpiska rin sa pag-iingat ng suspek ang dalawang cellphones na ginagamit sa drug transaction, na may high intelligence value.
Ayon sa ulat mula kay Police Regional Office-BAR Regional Director Police Brigadier General Samuel Rodriguez, ang suspek ay ipaghaharap ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (JESSE KABEL)
670 