May kasabwat na ilang pulis 8 MIYEMBRO NG KFR GROUP, TINUTUGIS

NAGSANIB-PWERSA ang National Capital Region Police (NCRPO) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa pagtugis sa walo pang kasapi ng kidnapping syndicate na posible umanong may kasabwat na ilang pulis.

Ito ay makaraang madakip si SMSgt. Felipe Woo at lima pang kasabwat sa pagdukot sa negosyanteng si Patrocenio Chiyuto Jr. noong Marso 16 sa Las Piñas City.

Si Woo ay miyembro ng Regional Mobile Force Battalion (RMFB) ng NCRPO.

Posible umanong mayroon pang mga pulis na kabilang sa walong suspek na target ng manhunt operation.

Bukod kay Woo, ang iba pang nadakip ay sina Cyril Nolan Malana, Maverick Sapitanan, Mary Grace Sapitanan, Celso Lozano at ang Chinese national na si Gao Ya Qiong.

Ang mga ito ay nadakip sa iba’t ibang bahagi ng Makati City noong Marso 18.

Ito ay makaraang magsumbong sa Philippine National Police (PNP) ang live-in partner ni Chiyuto na si Diana Cortez.

Nabatid mula kay PNP spokesperson, P/Brig. Gen. lldebrandi Usana, si Chiyuto ay hinihinalang nanloko sa investment scheme dahilan upang kidnapin ito ng mga suspek.

Hindi pa umano natutunton ang kinaroroonan ni Chiyuto habang pinaghahanap ng mga pulis ang walo pang mga suspek. (MARINHEL T. BADILLA)

369

Related posts

Leave a Comment