NAKATIKIM ng pagkastigo ang Department of Health (DOH) dahil inaagawan na nito ng kapangyarihan ang Kongreso nang pagbawalan nito ang mga kumpanya na konektado sa sin products na bumili ng COVID-19 vaccines para sa kanilang mga empleyado.
Bukod dito, tinawag ni Defensor na isang uri ng diskriminasyon ang Administrative Order (AO) ng DOH na huwag payagan ang mga negosyante sa industiya ng tobacco, formula milk at iba pa, na bumili ng sariling COVID-19 vaccines dahil sa kanilang negosyo.
“Congress never meant to discriminate against any industry when we passed the law establishing the COVID-19 vaccination program, precisely because we recognize that government needs the help of the entire private corporate sector in quickly immunizing as many Filipinos as possible,” ani Defensor.
Sinabi ng mambabatas na hindi dapat isakripisyo ng DOH ang kaligtasan ng mamamayan lalo na sa panahon ngayon kung saan lumalala ang problema sa COVID-19.
Noong Biyernes ay umaabot sa 7,999 ang nagpositibo sa nasabing virus na pinakamataas na mula nang magkaroon ng pandemya noong Marso 2020 at pinangangambahang lalong lalala ang sitwasyon kung hindi agad makarating ang mga bakuna.
“We are now dealing with the defining health and socio-economic crisis of our time. We need all hands on deck in suppressing this pandemic. The DOH should not stand in the way of any private corporation that wishes to procure its own supply of vaccines so that it can protect its workers,” ayon pa kay Defensor.
Unang isiniwalat ni Foreign Affairs Secretary Teddyboy Locsin ang Administrative Order (AO) na ginawa umano ng isang Presidential adviser na hindi pinangalanganan na nagbabawal sa mga nabanggit na kumpanya na mag-angkat ng COVID-19 vaccine dahil sa klase ng kanilang negosyo.
“However, the same order also implied that other sectors, such as producers of alcoholic beverages, sugary drinks, junk food snacks and even fastfood chains, may also be tagged as “in conflict with public health,” ani Defensor.
Ipinaliwanag ng mambabatas na kung mangyayari o masunod ang kagustuhan ng DOH, ay malaking tulong ang mawawala at lalong tatagal ang problema ng pandemya.
“We have to accept the fact that these industries also employ tens of thousands of Filipinos who need vaccination. Besides, many of these industries are already getting penalized with extra excise taxes on the production, sale and consumption of their products. They are thus helping to provide the government the badly needed financial resources to fight the pandemic,” dagdag pa ng mambabatas.
INULAN NG BATIKOS
Inulan ng batikos sa hanay ng mga mambabatas sa Kamara ang nasabing kautusan ng DOH.
Sa magkakahiwalay na pahayag, hindi nagustuhan nina Deputy Speakers Bienvenido Abante at Bernadette Herrera kasama ang isa sa pangunahing may akda ng Republic Act (RA) 11525, o COVID-19 Vaccination Program Act of 2021 na si Albay Rep. Joey Salceda, na iitsapwera ang private sector sa pagbili ng bakuna.
“Kung makakatulong sila mag-vaccinate ng ating mga kababayan, bakit ba natin pagbabawalan? As they say in the Good Book, damn the sin, not the sinner,” ani Abante.
Nakasaad sa Section 3(6) ng Administrative Order na kailangang dumaan muna sa DOH review ang mga industriya ng tobacco, formula milk, at iba pa na may “conflict of interest” umano sa kalusugan ng publiko bago sila payagang bumili ng sariling bakuna laban sa COVID-19.
“Given the urgency of the situation, I appeal to the DOH and the IATF to adopt policies that would encourage the private sector to secure vaccines for their employees, because at this point any help the government can get in its effort to vaccinate our people should be welcomed with open arms. In my view this should be incentivized, not discouraged,” ani Abante.
Sinabi ng mambabatas na kung sosolohin ng DOH ang pagresolba sa problemang ito ay matatagalan pa bago makawala sa pandemya ang mga Pilipino na hindi na aniya kakayanin ng mamamayan na lugmok na sa kahirapan sa nakalipas na isang taon.
“It’s clear from that provision that the DOH is discriminating against companies it perceives to be in conflict with interest of public health,” paglalarawan naman ni Herrera sa AO ng nasabing ahensya.
Hindi aniya ibebenta ng mga kumpanyang ito ang mga bibilhing bakuna bagkus ay makatutulong para makabangon na ang bansa sa pandemya.
Kinuwestiyon din ni Salceda ang desisyong ito ng DOH at NTF dahil napakalaking tulong aniya ang private sector para mabakunahan ang mas maraming Pilipino sa lalong madaling panahon subalit iniitsapuwera ang mga ito ng gobyerno.
“Government needs private sector support, but they need the implementing rules so they can act. And the rules have to be simple and reasonable. No unnecessary restrictions, especially those outside legislative intent,” ayon sa mambabatas.
Sinabi ng mambabatas na ang intensyon ng nasabing batas ay para hingin ang tulong ng pribadong sektor para mapabilis ang pagbabakuna sa mas maraming mamamayan kaya hindi aniya ito dapat baguhin ng DOH at NTF.
Maging sa Senado ay binatikos ang nasabing kautusan.
Ipinaliwanag ni Senador Imee Marcos, pinuno ng Senate committee on economic affairs na hindi lang pababagalin ng nasabing administrative order ang target na mabakunahan ang 70% ng mga Pilipino para sa taong ito, kundi mababawasan din nito ang kakayahan ng gobyerno na magkaroon ng kakailanganing pondo para sa national vaccination program ng pamahalaan. (BERNARD TAGUINOD)
149 