ATING bigyang pansin muna ang sumbong na ating natanggap mula sa mahigit 30 pamilya sa Sitio Cabuuan, Barangay San Rafael, San Felipe, Zambales.
Isa umanong makapangyarihang landlord/businesswoman na nagmamay-ari ng resort ang tila naghahari-harian sa lugar gamit ang kanyang mga armadong tauhan?
Ayon sa impormasyon na ating natanggap, hina-harass umano ng isang Ms. Rachel ang mga residenteng matagal nang naninirahan dito at sila’y pinalalayas kahit walang court order?
Paano kaya ito nagkaroon ng mga tauhan na umano’y sumugod sa mga residente at nananakot? Si Ms. Rachel daw ay maraming kapit sa mga politiko sa bansa partikular sa mga tinaguriang dilawan kung kaya’t napakalakas ng kanyang loob?
Napag-alaman natin na ang lupang kinatitirikan ng tahanan ng mga residente rito ay ang lahar mula sa pagputok noong 1991 ng Mount Pinatubo na hanggang sa kasalukuyan ay kanilang pinagkukunan ng kabuhayan.
Ang lupang ito umano ay pagmamay-ari ng gobyerno at pinangangasiwaan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Tinatawagan natin ng pansin ang ating matagal nang kaibigan mula pa noong naging WPD District Director na si Governor Hermogenes “Jun” Ebdane, Sir!! Alam ko po na malapit ang inyong puso sa maliliit na tao lalo sa mga inaapi. Paki imbestigahan nga po ito Gov. at kung paano nagkaroon ng umano’y private armies ang inirereklamong indibidwal.
Sa patas na pamamahayag ay maaari rin ibigay ni Madam Rachel ang kanyang panig.
***
Samantala, sa kabila ng ating expose sa kabulokan ng mga opisyal ng Bureau of Immigration, Travel Control Enforcement Unit ay nananatili pa rin umano ang mga buwaya na nambibiktima ng ating mga kababayang nais lumabas ng bansa.
Para po sa inyong Sumbong at Reaksyon maari ninyo akong itext sa 09158888410.
155 