APATNAPU at pitong taon na noong Lunes nang nakaraang linggo, ang manlalaro ng NBA na si Elgin “Mr. Inside” Gay Baylor ay dumating sa Maynila kasama ng kauna-unahang koponan ng NBA All Star na naglaro dito sa bansa.
Si Baylor na tinawag ding “Rabbit” at namayapa na noong Marso 22 sa Los Angeles, California ay maraming naiwang alaala sa mga Pilipinong mahilig sa larong basketbol dahil sa kahusayan niyang lumusot gamit ang kanyang akrobatikong paggalaw sa ilalim ng basket.
Walong manlalaro pa buhat sa iba’t ibang koponan sa kauna-unahang liga propesyonal sa daigdig ang kasama ni Baylor nang dumaong sa pangunahing lungsod ng bansa para kalabanin ang Pambansang Koponan ng Pilipinas na patungong World Men’s Basketball Championship (ngayon ay FIBA World) sa Puerto Rico noong mga panahong iyon.
Ilan sa mga nakasama ni Baylor ang NBA Selection sina Eddie “The Man with the Golden Arm” Miles, Elvin “The Big E” Hayes, Gail Goodrich, Geoff Petrie at Calvin Murphy.
Si The Rabbit ay naglaro ng 14 season bilang small forward sa Minneapolis/Los Angeles Lakers sa walong NBA FinalsDahil sa kakulangan ng sapat na eksposyur sa telebisyon sa kanyang panahon, ang naging basehan ng kahusayan sa paglalaro ni Elgin ay ang mga testimonya ng mga nakakita ng kanyang kagitingan sa loob ng basketball court.
“He was one of the most spectacular shooters the game has ever known,” pagpapatunay ni Jerry West, matagal na panahong nakasama ni Baylor sa Lakers, sa isang panayam noong 1992.
“I hear people talking about forwards today and I haven’t seen many that can compare with him,” wika pa ni West, isa ring dakilang manlalaro ng basketbol.
“I say without reservation that Elgin Baylor is the greatest cornerman who ever played pro basketball,” patotoo naman ni Bill Sharman, coach ni Baylor sa mga huling taon ng kanyang paglalaro sa Lakers, ayon sa ulat ng Los Angeles noong magretiro si Rabbit noong 1971.
Si Baylor ay isinilang noong Setyembre 16, 1934 sa Washington, D.C.
Isang taon makalipas ang pagbisita ni Baylor at mga kasama, nagdala si Walt Frazier ng isa na namang grupo ng mga manlalaro ng NBA na nagpabalik-balik sa Maynila at iba pang lungsod sa Asya para maglaro ng kabuuang 12 beses.
Kabilang sa grupong ito sina Nate “Tiny” Archibald, Scott Wedman, Mike Bantom, Hank Bibby, Lucius Allen, Charlie Scott, Jim Cleamons, George McGinnis, Randy Smith, Bob Love, Ron Behagen at John Drew. Kasama nila ang mga reperi sa NBA na sina Richie Powers at Jake O’Donnell.
Limang taon makaraan ang pagbisita sa Maynila nina Baylor at mga kasama, sinundan ito ng pagdating ng Washington Bullets na nagpakita ng gilas laban sa PBA selection.
Walong manlalaro lamang ang dala ni Coach Dick Motto – Hayes, Wes Unseld, Kevin Porter, Roger Phegley, Greg Ballard, Steve Malovic, Dave Corzine at Andrew Parker – na nilampaso ang PBA selection,133-123, sa umaapaw na Araneta Coliseum. Ang koponan ng PBA ay binubuo nina Robert “Sonny” Jaworski, Ramon Fernandez, Philip Cezar, Arnie Tuadles, Atoy Co, Jesse Sullano, Rudy Kutch at mga import na sina Cyrus Mann, Larry Pounds, Glenn McDonald, Larry McNeill at Dean Tolson.
Sunod-sunod ang naging pagbisita noon ng NBA sa Pilipinas. Noong 1980, ang kauna-unahang Fil-Am player na nakapaglaro sa NBA, si Raymond Townsend ng University of California-Los Angeles, ay binisita ang bansang sinilangan ng kanyang ina.
Kasama ni Townsend ang kanyang amang si Ray Sr., inang si Virginia Marella ng Balayan, Batangas at kapatid na si Kurtis, isang University of Kansas assistant coach, at tatlo pang kapatid na babae.
Kasama rin ang mga NBA player na sina Jamaal Wilkes, Cliff Ray, Derrick Dickey at Greg Lee na naglaro ng ilang exhibition games sa Maynila, Olongapo at Cebu.
Isang koponang tinawag na NBA “legends” ang dumating dito kasama sina dating Lakers coach Phil Jackson at mga manlalarong sina Earl “The Pearl” Monroe, Rick Barry, Pistol Pete Maravich, Dennis Awtrey, Mel “Killer” Davis, Cazzie Russell, Connie Hawkins at Fred Brown Jr.
Nilupig ng Legends ang National Team na hinawakan ni coach Pilo Pumaren at binubuo nina Hector Calma, Naning Valenciano, Elmer Reyes, Tonichi Yturri, Alfie Almario, Yves Dignadice, Jeff Moore, Dennis Still at Chip Engelland, 84-77.
Maging ang mga NBA superstar na sina Magic Johnson at Kareem Abdul-Jabbar ay naglaro dito noong 1995 kasama sina Lester Conner, Jim Farmer, Mike McGee, John Williams, Reggie Fox at John Long.
Noong 1999 ay pinangunahan ni Shaquille O’Neal ang grupong kinabilangan nina Chris Gatling, Duane Cooper at Juaquin Hawkins na tinalo ang PBA selection, 107-68, sa Quezon City Big Dome.
Sa ilang taong nagdaan, ang Maynila ang naging paboritong puntahan ng mga sikat na NBA player kasama na ang kamamatay pa lamang na si Kobe Bryant. Maging sina Kevin Johnson, na ngayon ay Sacramento City Mayor, Bill Walton, Allen Iverson, Tracy McGrady, Dwight Howard, Luke Walton, Chris Webber, Gary Payton, Glen Rice, Malik Rose, Paul Pierce, Kevin Durant, Lebron James at Stephen Curry.
Pati ang mga NBA referee na sina Manny Sokol, Jim Capers, Lee Jones at Darrell Garretson ay nakarating din sa bansa para magdaos ng officiating clinic para sa mga lokal na opisyal.
At si Miami Heat coach Erik Spoelstra, ang kauna-unahang Fil-Am na naging NBA coach, ay bumisita rin sa ating bansa.
