LIMANG dating rebelde ang sumuko sa pinagsanib na pwersa ng AFP-PNP sa tatlong magkakahiwalay na usapang pangkapayapaan sa buong Calabarzon, ilang araw bago ang anibersaryo ng New People’s Army.
Ayon sa tagapagsalita ng 2nd Infantry Division na si Capt. Jayrald Ternio, ang mga rebeldeng New People’s Army na sina alyas “Gio” at alyas “Patrick” na pawang nag-o-operate sa bulubunduking probinsya ng Quezon, ay nagbalik-loob noong Marso 25 sa Brgy. Salipsip, Polilio, Quezon at isinuko ang .45 kalibre, .38 kalibreng baril, at isang granada.
Isang alyas “JM” naman na miyembro rin ng NPA ang sumuko sa militar, bitbit ang kanyang armas na M16 rifle sa Brgy. J. Santiago, Sta. Maria, Laguna sa nasabi ring araw.
Sina alyas “Dexter” at alyas “Joan” na mula sa hangganan ng Rizal at Laguna ay bitbit ang kanilang armas na M1 carbine, magazine at mga bala nang sumuko sa Brgy. Pinugay, Baras, Rizal.
Ayon kay alyas “JM,” nagdesisyon silang sumuko dahil sa hirap na kanilang nararanasan sa pakikibaka sa kabundukan at nais nilang maging normal na ang kanilang pamumuhay at maging payapa.
Sinabi naman ni B/Gen. Rommel K, Tello, acting commander of 2ID, pinupuri niya ang naging hakbang ng mga dating rebelde.
“Your wise decision to abandon armed struggle marks a new beginning for you and your loved ones. With your help, we shall build a better and safer country for our families and fellowmen while we ensure that you are secured from any terrorist’s acts of retaliation,” aniya.
“This milestone is proof of the CPP-NPA’s defeat as more of their combatants realize there is no future in sight being part of the terrorist groups whose goals are only to exploit, destroy families, and hamper our potential to move forward as a nation,” dagdag ni Tello.
Ang mga sumuko na isinailalim sa debriefing at check-up, ay makatatanggap ng tulong pinansyal mula sa gobyerno ng halos P700,00 upang makapagsimula ng panibagong buhay. (CYRILL QUILO)
