CAGAYAN DE ORO – Isinagawa sa Port of Cagayan De Oro ng Bureau of Customs ang mass saliva testing para sa COVID-19 sa pakikipagtulungan ng Philippine Red Cross Misamis Oriental – Cagayan de Oro Chapter.
Ang saliva o laway ay isang alternatibong specimen para sa RT-PCR testing na magugunitang inaprubahan ng Department of Health at pinangunahang isagawa ng Philippine Red Cross.
Ang saliva test ay madaling paraan ng COVID-19 testing dahil idudura lang ng isang indibidwal ang kaniyang laway sa loob ng isang 1-milliliter vial at pagkatapos ay hihintayin na lamang ang resulta makalipas ang ilang oras.
Kasama sa mass testing ay ang mga empleyado ng Bureau of Customs Cagayan de Oro at kanilang sub-port Mindanao Container Terminal sa Tagoloan, Misamis Oriental. Gayundin ang mga processors at brokers na palagiang kasalamuha ng mga taga BOC.
Ayon kay Liezzl Guiritan, isang registered nurse na nangasiwa sa saliva-based test, tiyak at maaasahan din ang makabagong teknik para sa COVID-19 testing
Mas mababa rin di hamak ang presyo nito na dalawang libong piso kumpara sa apat na libong pisong PCR o swab test.
Ang BOC-CDO ay kauna-unang government office sa Misamis Oriental na nagsagawa ng mass saliva-based testing, ayon sa Philippine Red Cross.
“We know that the vaccine is already around but most of us have not been inoculated yet, so we have to continue to be vigilant and guard ourselves and our transacting public from the deadly virus,” ani Collector John Simon, District Collector of Bureau of Customs.
(Joel O. Amongo)
250
