CHINESE WOMAN PINIGIL SA FAKE DOCUMENTS

PINIGIL ng Bureau of Immigration (BI) officers sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na makaalis sa bansa ang isang Chinese woman dahil sa pamemeke ng kanyang mga dokumento.

Kinilala ni BI Commissioner Jaime Morente ang pasahero na si Qiu Meiying, 35-anyos, naharang noong Marso 26 sa NAIA terminal 1 habang pasakay sa kanyang flight patungong Xiamen, China.

Sinabi ni Morente na si Qiu ay pinagbawalang makasakay sa flight matapos mabatid ni Immigration Officer Jeremie Abana sa isinagawang immigration inspection, na ito ay kabilang sa bureau’s watchlist of aliens na sinampahan ng deportation cases dahil sa paglabag sa Philippine immigration laws.

Ang passport ni Qiu ay kinumpiska at pinagsabihang kailangan niyang mag-report sa BI legal division para harapin ang deportation case na isinampa laban sa kanya.

Matatandaan, si Qiu ay kabilang sa 20 Chinese nationals na isinailalim sa immigration watchlist noong Oktubre, 2020 at ipinag-utos ng BI Board of Commissioners na dumalo sa pagdinig ng kaso na isinampa laban sa kanila.

Ang kaso ay nag-ugat sa umano’y panloloko at misrepresentasyon ng Chinese nationals bunsod ng paggamit ng palsipikadong employment permits para makapag-apply ng working visa sa bansa.

Sa imbestigasyong isinagawa ng BI Intelligence Division, napag-alaman na ang mga dayuhan ay hindi nag-apply at hindi inisyuhan ng alien employment permits (AEP) ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Sa kasalukuyang BI rules, kailangang magsumite ng DOLE-issued AEP bilang isa sa requirements para sa pag-iisyu ng working visa sa isang dayuhan na gustong magtrabaho sa Pilipinas.

Kung mapatutunayang nameke ng kanyang mga dokumento, si Qiu ay ipade-deport at isasama sa BI’s blacklist. (JOEL O. AMONGO)

298

Related posts

Leave a Comment