Mga aayudahan sa Maynila LISTAHAN IPO-POST SA SOCIAL MEDIA

MAGSISIMULA na ang pamahalaang lungsod ng Maynila sa pamimigay ng cash assistance mula national government kaugnay ng implementasyon ng enhanced community quarantine (ECQ).

Samantala, may mahigpit na bilin si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na i-post sa social media ang listahan ng mga benepisaryo para ipakita na parehas at walang gulangan sa listahan.

Anunsyo ng alkalde, 380,000 pamilya ang magiging recipients ng P4,000 bawat isa at inatasan si Manila Social Welfare chief Re Fugoso na makipag-coordinate sa mga barangay para sa proseso ng distribusyon nito kasabay ng kanyang pasasalamat sa national government sa ipinagkaloob na financial assistance sa mga residente ng lungsod.

Sinabi ni Moreno, bago pa dumating ang pera ay nagsagawa na sila ng meeting kasama sina Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan, City Treasurer Jaz Talegon at MSW Chief Re Fugoso, bilang paghahanda sa mga hakbang na gagawin upang matiyak na maayos ang distribusyon ng cash assistance sa mga benepisaryo.

Nabatid na ang pamahalaang lungsod ay nakatanggap ng halagang P1,523,270,000 mula sa national government dakong 6:35 ng gabi noong Lunes.

Agad namang naglabas ng executive order ang alkalde base sa requirement na itinakda ng Department of the Interior and Local Government, Department of Social Welfare at Development at Department of National Defense (DND), para sa agarang pamumudmod nito sa mga barangay.

Gaya ng napagkasunduan, si Fugoso ang makikipag-coordinate sa mga barangay na siya namang mag-aabiso sa mga benepisaryo na hindi na kailangang lumabas kung wala ang pangalan sa listahan.

Binigyang diin ng alkalde, kapag naging magulo ang bigayan ng cash aid ay ihihinto ito.

“Hindi kailangang mag-unahan. ‘Pag wala sa lista, ‘wag muna pumila. Ititigil namin ‘yan pag nag-unahan kayo. Hihintayin namin kung kelan kayo magbe-behave.”

Ayon pa kay Moreno, dahil sa napakarami ng recipients, kailangang gawing sistematiko ang distribusyon, pero hindi sabay-sabay o biglaan lalo na’t nasa ilalim ng ECQ ang Maynila, ang pagdagsa ng tao ay mangangahulugan ng community transmission ng coronavirus.

“Ang amount per family is P4,000 at ipo-post ang beneficiaries araw-araw sa aking page para walang magka-tolonggesan,” dugtong pa nito.

Ipinaliwanag pa ni Moreno, binigyan sila ng pagpipilian kung “in kind” o “in cash” ang ibibigay at pinili ng alkalde ang cash dahil nagbibigay ng mga pangangailangang pagkain ang lungsod sa kanilang mga residente sa ilalim ng food security program.

Bukod pa rito, sinabi niyang ang bawat pamilya ay may kanya-kanyang pangangailangan kung kaya’y makabubuti na bigyan ng cash para mabili nila kung ano ang dapat nilang unahin. (RENE CRISOSTOMO)

220

Related posts

Leave a Comment