WINAKASAN ng mga tauhan ni Philippine National Police – Anti-Kidnapping Group chief, P/Brig. Gen. Jonnel C. Estomo ang pagtatago ng dalawang rape suspect sa ikinasang magkahiwalay na law enforcement operation sa Diadi, Nueva Vizcaya at Lapu-Lapu City, Cebu.
Ayon kay PNP-AKG spokesman, P/Lt. Col. Ronaldo Lumactod, unang nadakip si Joyce Weil Nartia Ocumen alyas “Jojo Ocumen,” top ten most wanted person ng Region 2, nang matunton ng grupo ni P/Lt. Col. Renato B. Ocampo ang pinagtataguan nito sa bayan ng Diadi sa lalawigan ng Nueva Vizcaya.
Ayon sa police report, taong 2015 habang nasa impluwensiya ng ilegal na droga ang suspek ay hinalay nito ang isang dalagita sa bahay nito.
Walang piyansang inirekomenda si Hon. Cicero B. Jandoc, presiding judge ng RTC Branch 29, 2nd Judicial Region, Bayombong, Nueva Vizcaya, para sa kaso ng nasabing suspek.
“The difference between success and failure is a great team,” ani Lumactod sa positibong resulta ng inilunsad na intelligence gathering ng PNP-AKG gaya ng pagkakadakip sa isa pang rape suspek na kinilalang si Fredwin Abesia Fernandez sa Sitio Candagsao, Brgy. Talima, Olango Island, Lapu-Lapu City.
“Who would question PNP-AKG director, P/BGen. Jonnel C. Estomo experienced leadership?” ani Col. Lumactod nang isumite ang ulat ng PNP-AKG Visayas Field Unit, na pinamumunuan ni P/Lt. Col. Victor C. Loon, hinggil sa pagkakadakip sa suspek na gumasa umano sa isang babae na may diperensiya sa pag-iisip noong Hunyo 2020.
Wala ring piyansang inirekomenda si Hon. Joy Braceros Redoble, presiding judge ng RTC Branch 77, 7th Judicial Region, Carcar City, Cebu, para sa suspek.
Ayon kay P/Lt. Zosimo C. Ravanes, arresting team leader, pwersahang kinaladkad ng suspek ang biktima sa tabing dagat matapos dumalo sa isang handaan at doon ginahasa.
Kapwa nasa kustodiya ng PNP-AKG ang mga suspek para sa proper booking procedures. (JESSE KABEL)
242 