LEYTE – Patay ang isang dating kasapi ng komunistang New People’s Army, na luminya umano sa illegal drug dealing, sa ikinasang joint law enforcement operation ng Philippine Army, Philippine Drug Enforcement Agency-8 (PDEA-8), katuwang ang Philippine National Police Regional Special Operations Group-8 (PNP RSOG-8), sa Sitio Mahayahay, Brgy. Anislagan, sa bayan ng Calubian sa lalawigang ito.
Target ng joint operation na sinuportahan ng 802nd Infantry (Peerless) Brigade at 93rd Infantry (Bantay Kapayapaan) Battalion, si Marlon S. Mendoza na nahaharap sa kasong frustrated murder (Criminal Case Nr. CV-19-914).
Si Mendoza ay kabilang sa mga tauhan ni Nicolas P. Ibañez alyas “Botoy,” isang dating NPA na napabalitang bumuo ng grupong sangkot sa gun-for-hire at pagtutulak ng ilegal na droga.
Ang pinuno nilang si alyas “Botoy” ay may direktang kaugnayan kay Juanito Silleza Jr. alyas “Tibor,” isang lider at kumander ng teroristang CPP-NPA na kumikilos sa probinsiya ng Leyte.
Samantalang si Mendoza naman ay kasapi ng kanilang grupo na kasalukuyang nagtatago sa batas dahil sa kasong kinahaharap.
Unang pinaputukan ng grupo nina Ibañez at Mendoza ang pwersa ng pamahalaan naging dahilan ng pagsiklab ng limang minutong palitan ng putok.
Matapos ang putukan, natagpuang walang buhay ang isang lalaki na kalaunan ay kinilalang si Nicolas P. Ibañez alyas “Botoy” habang nakatakas naman si Mendoza kasama ang iba pang miyembro ng kanilang grupo.
Nasamsam sa encounter site ang isang pakete ng hinihinalang shabu, isang caliber .45 pistol, isang AK-47 rifle, isang M16 Rifle, isang M653 rifle (Baby armalite) at sari-saring magasin at mga bala.
Samantala, wala namang iniulat na nasaktan sa panig ng pamahalaan.
Ayon kay Brigadier General Zosimo A. Oliveros, commander ng 802nd Infantry (Peerless) Brigade, “Ang pangyayaring ito ay nagpapatunay na ang mga teroristang CPP-NPA-NDF ay may kaugnayan sa mga kriminal na naghahatid ng takot sa mamamayan at sindikato ng droga na sumisira sa kinabukasan ng ating mga kabataan”.
“Ito ay isang indikasyon na ang grupong CPP-NPA-NDF ay naghihirap na sa kanayunan sa kadahilanang wala na ang suporta galing sa mamamayan.”
“Ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga grupong kriminal ay isang pamamaraan upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan at maipagpatuloy ang gawaing naglalayong sirain ang ating pamahalaan” ani Oliveros. (JESSE KABEL)
198 