BBM, SUPORTADO NI DUTERTE SA 2022

(NELSON S. BADILLA)

MALAKI ang posibilidad na suportahan ni Pangulong Rodrigo Duterte si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kung tatakbo ito sa halalang 2022.

Ibinunyag ito ng tagapagsalita ni Duterte na si Secretary Harry Roque Jr. sa harapan ng mga negosyanteng Filipino-Chinese.

Ani Roque, susuportahan ni Duterte si Marcos sakaling hindi tumakbo sina Senador Christopher Lawrence “Bong” Go at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.

Kilala rin si Marcos sa palayaw na “BBM” bukod sa Bongbong.

Ilang ulit na idiniin ni Go na tatakbo siya sa pagkapangulo kung si Duterte ang kanyang kandidato sa pagkabise presidente.

Sabi ni Roque, hindi na interesado si Duterte na maging pangalawang pangulo ng bansa.

Hangad na ng pangulo na magretiro pagkatapos ng kanyang termino sa Hunyo 30, 2022.

Ilang beses na rin idiniin ni Duterte sa nakaraan na hindi tatakbo ang anak na si Duterte-Carpio sa pinakamataas na posisyon sa pamahalaan.

Idiniin ni Duterte na “hindi pambabae” ang trabaho ng pangulo.

Maliban kay Marcos, maaaring piliin din ni Duterte sina Senador Emmanuel “Manny” Pacquiao at Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso.

Matunog na matunog sa media na ‘interesado si Marcos na tumakbo sa mataas na ‘posisyon sa gobyerno’ sa 2022, ngunit hindi niya kategorikal na inaamin tuwing tatanungin ng mga mamamahayag.

Ngunit, sinabi ng abogado at tagapagsalita ni Marcos na si Vic Rodriguez na “naghahanda” na ang kampo ni Marcos para sa 2022.

Si Marcos ay dalawang beses nang pumangalawa kay Duterte-Carpio sa sarbey ng mga posibleng kandidato sa pagkapangulo sa 2022.

Malayo ang agwat niya kina Pacquiao at Domagoso, lalo na kay Bong Go na halos nasa dulo ng sarbey.

Kasapi si BBM ng Nacionalista Party (NP).

180

Related posts

Leave a Comment