QUEZON – Patay ang isang 68-anyos na empleyado ng unibersidad matapos na tadtarin ng bala ng kanyang nakababatang pinsan sa bayan ng Mulanay sa lalawigang ito, noong Sabado ng umaga.
Kinilala ng Mulanay Police ang biktimang si Mario Pardilla Decena, empleyado ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) Mulanay Campus.
Batay sa report, bandang alas 8:30 ng umaga nang pagbabarilin ang biktima ng kanyang pinsan na si Edwin Decena, 46, nang magtagpo ang dalawa sa harap ng isang tindahan sa Barangay Poblacion 2.
Ayon kay P/Maj. Leonardo Suarverdez, hepe ng pulisya, nagalit umano ang suspek dahil sa pambu-bully ng biktima sa kanya.
Ang biktima ay tinamaan ng tatlong ng bala ng .45 kalibreng baril sa katawan at namatay habang isinusugod sa ospital.
Pinaghahahanap naman ng mga awtoridad ang tumakas na suspek na nahaharap sa kasong murder. (NILOU DEL CARMEN)
