HINDI pa man ganap na nakababangon ang ating bansa mula sa matinding epekto ng pandemyang COVID-19, tila muli na naman tayong sinusubok nito. Bunsod ng biglang pagtaas ng positibong kaso ng COVID-19 kada araw, napilitan ang pamahalaan na muling isailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang National Capital Region (NCR) at iba pang probinsyang malapit dito sa unang bahagi ng Abril.
Maraming mga empleyado at manggagawa ang naaapektuhan ng ECQ. Marami sa kanila ang ‘no work, no pay.’ Sa madaling salita, hindi sila makatatanggap ng sweldo habang pansamantalang nakahinto ang operasyon ng kanilang mga kompanyang pinagtatrabahuan.
Ilang miyembro ng pribadong sektor ang nagpahayag na ng kanilang saloobin ukol sa pagpapalawig ng pagpapatupad ng ECQ. Marahil panahon na upang muling buksan ang ekonomiya.
Ang negosyante at pilantropo, Chairman ng MVP group of companies na si Manny Pangilinan, ay nagpahayag ng kanyang pagsang-ayon sa ideyang muling buksan ang ekonomiya sa pamamagitan ng kanyang Twitter account.
Ako ay lubos na sumasang-ayon sa kanyang pahayag lalo na nang kanyang banggitin ang kasabihang binitawan ng henyong si Einstein ukol sa paghihintay ng ibang resulta sa kabila ng kawalan ng pagbabago sa pamamaraan ng paggawa ng isang bagay. Aniya, dapat ay pagkatiwalaan ang mga mamamayan ukol sa kanilang pangangalaga ng kanilang sariling kalusugan at kaligtasan.
Sa katunayan, maraming pinuno ng pribadong sektor ang sumasang-ayon sa ideyang muling pagbubukas ng ekonomiya, at sa pagpapanatili nitong bukas kasunod ng mahigpit at pinalawig na pagpapatupad ng ECQ sa National Capital Region (NCR) at sa mga probinsyang malapit dito. Maging ang Presidential Adviser for Entrepreneurship at nagtatag ng Go Negosyo na si Joey Concepcion ay nagpahayag din ng parehong pananaw kamakailan.
Noon namang nakaraang linggo, maging si Trade Secretary Ramon Lopez ay nagpahayag ng hindi pagsang-ayon sa matagal na pagpapatupad ng ECQ dahil sa negatibong epekto nito sa ekonomiya ng bansa at sa kabuhayan ng mga mamamayan.
Sa katunayan, kasalukuyan nang pinag-aaralan ng pamahalaan ang dahan-dahang pagbubukas ng ilang mga sektor kabilang na ang sektor ng pagmamanupaktura, at ilan pang sektor na maituturing na may mababang antas ng panganib sa pagkalat ng COVID-19.
Tunay na mahirap hanapin ang balanse sa sitwasyon dahil bagama’t matutugunan ng pagpapatupad ng ECQ ang biglang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa, mayroon itong matindi at negatibong epekto sa ekonomiya ng bansa, at sa hanapbuhay ng maraming indibidwal.
Sa usaping ito, ako ay naniniwala na ang tanging solusyon kontra sa pandemyang ito ay ang malawakang pamamahagi ng bakuna sa bansa.
Ilang ulit na nating nakikita sa balita ang ukol sa pagkaubos ng dosis ng bakuna ng mga lokal na pamahalaan, lalo na para sa mga prayoridad na grupo gaya ng mga senior citizen.
Habang wala pang sapat na bilang ng dosis ng bakuna para sa lahat, dapat ay pag-ingatan natin ang ating mga sarili. Gawin natin ang lahat ng ating makakaya upang mapanatili ang ating kalusugan gaya ng pag-inom ng bitamina, pagkain ng masusustansiyang pagkain, at pagtulog sa tamang oras. Makatutulong din ang pag-inom ng mga health supplements na makatutulong sa pagpapalakas ng ating immune system gaya ng VCO, honey, lagundi at iba pa.
Kailangan ding ipagpatuloy ang social distancing, at ang pagsusuot ng face mask at face shield upang manatiling protektado sa mga pang-publikong lugar. Siguraduhing hospital grade ang ginagamit na face mask, at siguraduhing tama ang pagkakasuot dito. Dapat nakatakip sa ilong at sa bibig.
Gawin natin ang ating papel sa laban kontra COVID-19. Kung patuloy tayong magiging biktima ng COVID-19, talagang mapipilitan ang pamahalaan na magpatupad ng mga lockdown upang maiwasan ang pagbagsak ng sistemang pangkalusugan ng bansa.
Kailangan nang makabangon ng ating ekonomiya mula sa matinding epekto ng pandemyang ito. Hindi ito kaya ng pamahalaan. Kailangan nating magkaisa bilang isang bansa patungo sa iisang hangarin – ang mapagtagumpayan ang laban kontra COVID-19.
180 