TAGAYTAY City – Dinukot ng limang armadong kalalakihan ang isang suspek sa ilegal na droga na kalalaya lamang mula sa BJMP nitong Martes.
Ayon sa salaysay ng misis, binabagtas nila ng biktimang si Mughomu Asnaludding Muslimin ang daan pauwi sa kanilang bahay mula sa BJMP lulan ng motorsiklo dakong alas-4:35 ng hapon.
Ngunit ilang metro pa lamang silang nakalalayo nang huminto sa kanilang tapat sa Barangay Guinhawa North, Tagaytay City ang puting Toyota Innova na walang plaka.
Pagkaraan ay dinakma umano ng mga armado ang biktima at isinakay sa kanilang sasakyan saka mabilis na tumakas.
Ayon pa sa ulat, mayroon umanong back-up na tatlong motorsiklo ang mga suspek.
Napag-alamanan, nakulong ang biktima dahil sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ngunit dahil sa plea-bargaining agreement ay nakalaya ito.
Nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad sa insidente at inaalam ang pagkakakilanlan ng mga suspek. (CYRILL QUILO)
197 