CAVITE – Tinatayang mahigit 500 pamilya ang nawalan ng tirahan habang tatlo katao ang naiulat na nasugatan sa dalawang sunog na nangyari sa magkahiwalay na lugar sa lalawigang ito.
Ayon sa ulat ni Corporal Christian Jovita ng Dasmariñas City Police, dakong ala-1:15 ng hapon noong Martes nang magsimula ang sunog sa isang bahay sa Sitio Tibag, Brgy. Panapaan 3, Dasmariñas City.
Dahil gawa lamang sa light materials ang mga bahay ay mabilis na kumalat ang apoy sa iba pang kabahayan.
Dakong ala-1:25 ng hapon ay umabot sa ikatlong alarma ang sunog, idineklarang fire under control dakong alas-3:24 ng hapon at fire-out dakong alas-3:57 ng hapon.
Kinilala ang nasaktan sa insidente na sina Raffin dela Cruz, 43; Machita Aligaca, 43, at Brich Sison, 24, pawang residente ng Panapaan 4 ng nasabing lungsod.
Ang naapektuhang mga residente ay pansamantalang nanunuluyan sa Gov. PF Espiritu Elementary School.
Isa pang sunog ang sumiklab na nagsimula dakong alas-8:45 ng gabi noong Martes sa isang residential house sa Kawit, Cavite.
Nagsimula ang sunog sa bahay ng isang Godofredo Toledo sa Toledo compound sa Brgy. Balsahan-Bisita ng naturang bayan.
Umabot sa unang alarma at idineklarang fire-out dakong alas-9:17 ng gabi ang nasabing sunog.
Wala namang naiulat na nasaktan o nasugatan sa nasabing sunog na kasalukuyan pang iniimbestigahan ng Bureau of Fire Protection (BFP). (SIGFRED ADSUARA)
293 