(BERNARD TAGUINOD)
ITINUTURING ng isang mambabatas sa mababang kapulungan na isang uri ng ‘criminal negligence” ang hindi pagbili ng Department of Health (DOH) ng mga personal protective equipment ng medical frontliners kahit may pondo na para rito.
Ayon kay Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte, umaabot sa P3 billion ang inilaang pondo para pambili ng PPEs ng medical frontliners subalit hindi pa umano ito ginagamit ng tanggapan ni Sec. Francisco Duque III.
‘The failure of DOH executives to use the P3 billion allotted in Republic Act (RA) 11494 or the Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2) for the acquisition of PPEs “smacks of criminal neglect,” ani Villafuerte.
Ang Bayanihan 1 ay ipinasa ng Kongreso noong Marso 2020 habang epektibo mula noong Setyembre 2020 ang Bayanihan 2 kung saan kabilang sa binigyan ng pondo ay ang PPEs ng medical frontliners.
Gayunpaman, natuklasan ng BTS sa Kongreso na kinabibilangan ni Villafuerte na hindi pa ginagalaw ni Duque ang pondo gayung maraming frontliners ang gumagastos ng sariling pera para proteksyunan ang sarili laban sa COVID-19.
Sadyang pinaglaanan ng pondo ang PPE dahil sa unang sigwada ng COVID-19 noong Marso 2020 ay pawang mga donasyon mula sa iba’t ibang pribadong grupo ang PPE na ginamit ng mga medical frontliner.
Gayunpaman, nadismaya ang BTS sa Kongreso matapos matuklasan na kahit isang PPE ay walang nabili ang DOH mula sa nasabing pondo.
“This seeming I-couldn’t-care-less mindset of our officials at the DOH is totally disgusting and betrays their apparent apathy towards our doctors, nurses and other hospital frontliners who risk their lives on a daily basis trying to save Filipinos from dying from COVID-19 that has already sickened almost 900,000 people in our country and killed over 15,400 of them,” ayon pa sa mambabatas.
Dahil dito, marami umanong dapat ipaliwanag ang DOH lalo na ngayong nagkukulang na ang mga PPE sa mga pampublikong pagamutan nang muling lumala ang COVID-19 case sa bansa partikular sa Metro Manila.
Dedma sa medical
frontliners
Kaugnay nito, NR o no reaction ang gobyerno ni Pangulong Rodrigo Duterte sa hinaing ng mamamayan partikular na ang mga frontline health worker na ibigay na ang benepisyo ng mga ito.
Sa press conference kahapon, kinalampag ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas ang gobyerno partikular na ang Department of Health (DOH) dahil sa pagbabalewala umano ng mga ito sa health workers.
“Patuloy ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa, nananatiling NR o ‘no reaction’ ang Duterte administration sa mga panawagan ng mamamayan, partikular ang mga hinaing ng ating frontline healthcare workers,” ani Brosas.
Hanggang ngayon aniya ay hindi pa ibinibigay ng gobyerno ang Special Risk Allowance (SRA), meals, transportation and accommodation allowance para sa kanila sa ilalim ng Bayanihan 2.
Ang nabanggit na batas ay epektibo noong Setyembre 2020 kung saan may pondong inilaan para sa suportang pinansyal sa medical frontliners, hindi lamang sa pampubliko kundi sa pribadong sektor.
“Nakailang extension na ang lockdown, nasaan na ang suporta para sa mga manggagawa sa health sector,” tanong pa ng mambabatas.
Sa katunayan aniya, dahil sa kawalan ng suporta ng gobyerno sa mga health worker ay sila na mismo ang gumagastos para sa sariling N95 masks, surgical masks at face shields dahil wala nang stocks sa mga ospital.
Kailangan aniyang gawin ito ng mga medical practioner upang maproteksyunan ang sarili sa COVID-19 dahil hindi na nakatatanggap ang mga ito ng libreng supply ng PPEs.
“It is ironic that the government calls health workers “modern day heroes” but deprives them with the basic benefits and assistance. Ibigay na ang long-overdue benefits ng mga manggagawa at bigyang suporta ang mga pampublikong ospital,” dagdag pa ng mambabatas.
146
