MANIWALA kayo o hindi, kumikilos ang Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) laban sa iligal na droga.
Katunayan, nitong Abril 15 ay nakahuli ang PNP at PDEA ng anim na pinaniniwalaang ‘drug dealer’ sa isang bahay sa Gatchalian Subdivision sa Las Piñas City.
Ayon sa ulat ng PDEA, may dalang P122.4 milyong halaga ng methamphetamine hydrocholoride, o shabu, ang mga suspek.
Isa sa mga suspek ay 14 taong – gulang lang.
Pokaragat na ‘yan!
Menor de edad pa lang, pero kasama na sa pagbebenta ng mahigit P100 milyong halaga ng shabu.
Hindi naman bagong balita ito dahil matagal nang nasangkot ang mga bata sa bentahan ng bawal na gamot.
Hindi pa man presidente si Pangulong Rodrigo Duterte ay marami nang naibalitang sangkot ang mga menor de edad sa pagiging drug dealer, drug runner, pusher at paggamit ng bawal na gamot (shabu, marijuana, ecstasy at iba pa).
Ang limang kasama ng batang nasakote ay sina Reyano Oraid, Khen Moreno, Efren Mangona, Abdulmunir Addin at Shay An Mokamad.
Bago mangyari ‘yan, dalawang drug dealer ang namatay nang makipagbarilan umano sa mga tauhan ng PNP – Drug Enforcement Group (DEG) at National Capital Region Police Office (NCRPO) sa isinagawang buy – bust operation sa Las Piñas.
Matapos ang engkuwentro, umabot sa P210.8 milyong halaga ng shabu ang nakuha kina Jen Jieko Amarga at Andrew Garcia.
Ang magkasunod na operasyon laban sa iligal na droga sa Las Piñas ay ilan lamang sa mga katibayan na patuloy na kumikilos ang PNP at PDEA laban sa iligal na droga.
At asahan nating magpapatuloy ito hanggang sa mga susunod na araw, buwan at taon.
Ngunit, nakatitiyak akong hindi matutuldukan ang problema ng Pilipinas sa iligal na droga.
Kahit tapos na ang termino ni Pangulong Duterte sa Hunyo 30, 2022 ay mananatiling suliranin ng ating bansa ang droga.
Ito’y dahil hindi pa natitigil ang proteksyon ng ilang signipikanteng bilang ng mga opisyal ng pamahalaang lokal sa iba’t ibang panig ng bansa, ilang opisyal ng PNP at iba pa na ibinibigay sa sindikato ng droga.
Mayroon ding ilang opisyal at kawani ng Bureau of Customs (BOC) ang nakikinabang sa negosyo ng iligal na droga.
Kung wala, bakit nakapasok ang milyun-milyong halaga ng shabu nina Amarga at Garcia?
Ayon kay PNP Chief Debold Sinas, ang shabu nina Amarga at Garcia ay nagmula sa Chinese druglord na nakabase sa Myanmar.
Walang binanggit si Sinas sa media kung parehong Chinese druglord ang supplier ng anim na nadakip sa Gatchalian Subdivision.
Gayunpaman, kung galing sa Myanmar ang shabu, sinu-sinong opisyal at kawani sa BOC ang natutulog sa pansitan upang makapasok ang milyun-milyong halaga ng shabu rito sa Pilipinas?
Dapat matumbok ang mga hindot na ito.
Kung magpapatuloy ang pagpasok ng iligal na droga sa ating bansa dahil sa pagpapabaya, o pagpapalusot ng ilang opisyal at kawani sa BOC ay pihadong hindi matitigil ang suliranin ng pamahalaan at ng mamamayang Filipino sa iligal na droga.
Pokaragat na ‘yan!
Sobrang tapang na ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa iligal na droga, ngunit patuloy pa rin ang pagpasok ng drogang ito sa Pilipinas.
Ipinapapatay na nga ni Duterte sa pamunuan ng BOC ang mga nagpapasok ng iligal na droga sa bansa, sa pamamagitan ng BOC, ngunit hindi pa rin tumitigil ang mga dayuhang drug lord sa pagpapasok ng shabu sa Pilipinas.
Pokaragat na ‘yan!
Hindi naman tumitigil ang PNP at PDEA sa gawain, tungkulin at obligasyon nito laban sa iligal na droga, ngunit patuloy pa rin ang pagpasok sa ating bansa upang ibenta sa mga gumagamit nito.
Hayaan ninyong ulitin ko rito ang madalas kong sabihin at idiniin na kailangan ang tapat, seryoso at mapagpasyang aksyon ng mga opisyal ng pamahalaan upang signipikanteng malutas ang naturang suliranin.
289
