LALAKI PATAY SA HAMBALOS

NALAGUTAN ng hininga ang isang 51-anyos na lalaki matapos hatawin ng kahoy sa dibdib ng 21-anyos na binata habang sila ay nagtatalo dahil sa halaman sa Valenzuela City.

Dead on arrival sa Valenzuela City Emergency Hospital ang biktimang kinilalang si Romeo Almeria, 51, ng Blk. 2, Lot 22, Phase 2A, Brgy. Bignay.

Arestado naman sa follow-up operation ng mga tauhan ng Detective Management Unit (DMU), sa pangunguna ni P/Lt. Robin Santos, ang suspek na kinilalang si Amadeo Quimbao alyas “Mateo,” ng #30 Bartolome Subdivision, Brgy. Veinte Reales.

Batay sa imbestigasyon nina P/SSgt. Regor Germedia at P/Cpl. Almann Bohol, dakong alas-1:00 ng hapon nang magkaroon ng pagtatalo ang biktima at ang suspek sa #21 Northville 1, Brgy. Bignay hinggil sa halaman na pag-aari ni Almeria.

Habang nagtatalo, kumuha ng coco lumber (dos for tres) ang suspek at pinalo sa dibdib ang biktima na naging dahilan upang bumagsak ito.

Pagkaraan ay mabilis na tumakas ang suspek habang isinugod naman ang biktima sa pagamutan ngunit hindi umabot nang buhay. (FRANCIS SORIANO)

168

Related posts

Leave a Comment