HUMAN TRAFFICKING SA BI HUHUBARAN NG 3 PINAY

INAASAHANG makatutulong ang tatlong Pilipina na nakabalik sa Pilipinas mula Syria nitong Sabado, na patunayang ang sindikato sa Bureau of Immigration (BI) ang kumilos upang maging biktima sila ng human trafficking.

Sinalubong ang tatlo ng mga opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) bago sila isinailalim sa 14-araw na kwarantina upang malaman kung positibo sila sa coronavirus disease – 2019 (COVID-19) o hindi, bago sila ihatid sa kani-kanilang pamilya.

Tiniyak ng Office of the Undersecretary of Migrant Workers Affairs (OUMWA) ng DFA na tutulungan ang tatlong overseas Filipino workers (OFWs) upang makabangon mula sa napakasamang karanasan bilang biktima ng human trafficking.

Kasama sa tulong ang pag-alalay sa tatlo kaugnay sa pagsasampa ng mga kasong kriminal laban sa mga taong naging dahilan ng pagkakalaglag nila sa human trafficking, kabilang ang ilang opisyal at kawani ng BI, dahil sa paglabag sa Republic Act 9208 (Anti-Human Trafficking in Persons Act) at Republic Act 8042 (Migrant Workers Act).

Mahigit isang linggo na ang nakalipas nang ibunyag ng SAKSI Ngayon ang raket sa human trafficking na mayroon nang dalawang taon ginagawa ng ilang opisyal at kawani ng BI.

Batay sa impormasyon, P50,000 ang ibinabayad ng sindikato sa BI sa bawat isang Pilipina na makakaalis ng bansa kahit biktima siya ng human trafficking dahil ‘aprubado’ sa naturang sindikato.

Ang pinuno ng sindikato ng human trafficking ay natukoy sa alyas na “REM”.

Sa unang imbestigasyon ng isang komite sa Senado hinggil sa human trafficking, natumbok ng mga senador na ilang opisyal at kawani ng BI na sangkot sa korapsyon sa visa upon arrival (VUA) ng BI-NAIA, ay pasok din sa negosyong human trafficking.

Hindi pa tapos ang imbestigasyon ng Senado ukol sa human trafficking. (NELSON S. BADILLA)

157

Related posts

Leave a Comment