DALAWANG 3-anyos na paslit ang namatay sa nangyaring sunog noong Sabado ng gabi sa Caloocan City.
Hindi umabot nang buhay sa Caloocan City Medical Center sanhi ng nalapnos na katawan ang biktimang si Kendal Janda, babae, habang nalagutan ng hininga bago makarating sa Tondo Medical Center sanhi ng suffocation si Mikho Cabansag.
Nabatid mula sa Caloocan City Bureau of Fire Protection (BFP), dakong alas-6:35 ng gabi nang nakatanggap sila ng tawag mula sa 911 hinggil sa nangyaring sunog sa #190 Ana Bustamante St., 2nd Avenue, Brgy. 43 kaya mabilis silang nagresponde sa lugar.
Isang nagngangalang Alvin Ramos na residente ng naturang lugar, ang tumulong na makuha sa nasusunog na bahay ang mga biktima at mabilis na isinugod ang mga ito sa pagamutan.
Tatlong pamilya ang naapektuhan ng sunog na nagsimula sa isang kwarto sa unang palapag ng bahay habang tinatayang umabot sa P60,000 ang napinsalang mga ari-arian.
Patuloy ang imbestigasyon ng Caloocan City BFP sa insidente. (ALAIN AJERO)
527
