WALA pa ring nakikitang pagbaba sa naitatalang kaso ng COVID-19 kahit lumipas na ang dalawang linggo matapos ang pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ).
Ayon kay Sec. Harry Roque, masasabing bahagya lamang ang naging pagbaba ng kaso kahit pinahigpit ang quarantine status sa nakalipas na linggo.
“Well, sa totoo lang, hindi pa natin nakikita iyong pagbaba ng numero matapos iyong dalawang linggo natin na ECQ,” ayon kay Sec. Roque.
Aniya, umaasa silang sa ikatlong linggo ay makikita na ang epekto nito.
“Pero inaasahan pa rin natin na siguro matapos ang tatlong linggo ay makikita pa rin natin iyong naging produkto ng ECQ. So iyan po ang ating binabantayan at bagama’t bahagya lamang ang pagbaba ay ito naman po ay patunay na iyong mga ginagawa ng mga LGUs na intensified PDITR ay mukha naman pong gumagana,” ani Sec. Roque.
Iyan naman aniya ang kanilang binabantayan sa gitna ng aniya’y hindi pa talaga tapos ang problema sa corona virus lalo’t naririyan pa nga ang mga bagong variant na mas matinding makahawa.
Kamakalawa, pumalo sa mahigit 9 na libo ang naitalang bagong kaso na bahagyang mababa kumpara sa mga naitala sa nakalipas na higit 10 libong kaso kada araw. (CHRISTIAN DALE)
309 