(BERNARD TAGUINOD)
KINUWESTYON ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor ang pag-sponsor ng isa sa pinakamalaking supplier ng remdevisir sa mga aktibidad ng mga organisasyon ng mga doctor sa bansa.
Sa moto propio investigation ng House committee on good government and public accountability na pinamumunuan ni DIWA party-list Rep. Michael Edgar Aglipay, naglabas si Defensor ng mga larawan na nagpapakita ng sponsorship ng Biocare Lifescience Inc. sa ilang aktibidad ng mga doctor.
“Hindi po ba ang Biocare Lifescience ang biggest distributor ng remdesivir? Kanya po ang Evapharma at saka yung Jubilant remdesivir?,” tanong ni Defensor kay Dr. Melissa Guerrero, ng Pharmaceutical Divisison ng Department of Health (DOH).
Sinagot ito ni Guerrero na hindi siya familiar sa mga distributor kaya naglabas si Derfensor ng larawan na nagpapakita ng pag-sponsor ng Biocare sa ilang aktibidad ng mga doctor.
“Sila po mismo ang involved sa negosyo bakit sila ang nag-isponsor. Pati reunion sila po ang naghohost. Parang mali po ata ah,” dagdag pa ni Defensor subalit hindi ito direktang sinagot ni Guerrero.
Ang remdesivir ang pinaboran ng DOH at Food and Drug Administration (FDA) para gamitin sa mga COVID-19 patient sa bansa kahit mismong ang World Health Organization (WHO) ang nagsabi na hindi nila ito inirerekomenda sa lahat ng kaso ng COVID-19.
Wala rin umanong matibay na pag-aaral na mabisa itong panlaban sa naturang virus subalit nagtataka si Defensor sa pagpabor ng DOH sa nasabing gamot na nagpapahirap sa mga pasyente.
Sa unang bahagi ng pagtatanong ni Defensor, naglabas ito ng resibo ng mga pinabayaran ng mga ospital sa mga COVID-19 patient na kinabibilangan ng remdesivir.
Karaniwang nagkakahalaga lang ng P1,900 ang bawat vial ng remdesivir subalit sinisingil ang mga pasyente ng P9,000 hanggang 20,000 kaya posibleng masampahan umano ng kaso ang FDA at DOH dahil pinayagan ng mga ito na gamitin ang nasabing gamot kahit ipinagbawal ng WHO bukod sa overpriced umano ito.
Domingo kinastigo
Kinastigo naman ni Deputy Speaker Lito Atienza si FDA director general Eric Domingo dahil sa kabagalan nito sa pagdedesisyon para magamit na ng mga tao ang ivermectin.
“Sabi ni DS (Rodante) Marcoleta, boksingero si USec Domingo. Hindi lang pala boksingero, he cannot be compared to a boxer…he’s a basketball player because he passes the ball. He doesn’t accept the fact na ang FDA ang problema natin ngayon,” ani Atienza.
“My colleague Congressman Mike Defensor presented overwhelming evidence on how the situation warrant the use of ivermectin, Pero bakit po hindi nyo inaaksyunan ito?” ani Atienza.
Inamin ni Atienza na gumagamit ito ng ivermectin at nagbibigay umano ng gamot na libre sa mga taong nangangailangan dahil hindi kaya ng mga ito ang napakamahal na gamot na inirerekomenda ng DOH.
Red tape sa FDA
“In times of pandemic such as this where people are dying, red tape is a grave sin,” ayon naman kay Deputy Speaker Bernadette Herrera sa nasabing pagdinig dahil sa mabagal na aksyon ng FDA sa pag-apruba sa Ivermectin.
Ayon kay Herrera, napakaraming proseso ang gustong gawin ng FDA bago nila ito payagan gayung napakarami na ng nagkakasakit at namamatay dahil sa COVID-19. (BERNARD TAGUINOD)
