Mayor Sarah napipisil na maging susunod na pangulo ng bansa

ISANG taon at 12 araw pa bago dumating ang pampanguluhang halalan sa ika-9 ng Mayo sa 2022. Subalit ngayon pa lamang ay nagsisimula nang pag-usapan kung sino-sino ang malamang na tumakbo para pumalit sa kasalukuyang nananahan sa Palasyo ng Malakanyang na si Pangulong ­Rodrigo Duterte.

Sa survey kamakailan ng Pulse Asia, lumabas na malamang na Duterte pa rin ang pumalit na punong tagapagpaganap sa bansa sa darating na eleksyon.

Sa naturang survey ng Pulse Asia noong nakaraang Huwebes, ang Presidential daughter na si Davao City Mayor Sarah Duterte-Carpio ang napipisil ng mga rumesponde na mamuno kapag bumaba na sa trono si Pangulong Digong.

Noong nakaraang taon, si Mayor Inday rin ang na­nguna sa mga posibleng kandidato para sa ­panguluhan sa survey ng Pulse Asia. At ngayong first quarter ng 2021, si Mayor pa rin ang ayon sa 2,400 na mga tinanong kung sino sa 13 posibleng tumakbo ang kanilang iboboto kung ang eleksyon ay gaganapin ­ngayon. Bagama’t ulit-ulit niyang itinanggi na wala siyang interes na kumandidato, at kahit si PDU30 ay tutol sa kanyang pagtakbo bilang pangulo.

Nakakuha si Yorme Inday ng 27 porsyento sa mga lumahok, 14% ang kalamangan kay dating Senador Bongbong Marcos na pumangalawa sa kanyang nakuhang 13%.

Tabla ang nanunungkulang Sen. Grace Poe at Manila Mayor Isko Moreno sa pangatlong puwesto, 12%.

Si Sen. Manny Pacquiao, ang ngayon ay pinakabokal na nagpahayag ng interes na kumandidato ay panlima na may 11%.

Si Bise Presidente Leni Robredo na ipinahayag ng Presidential Electoral Tribuna na nagwagi kay dating Sen. Marcos sa election protest ay nagkamit lamang na 7%, Sen Bong Go (5%), former Vice President Jejomar Binay (3%), Sen. Panfilo Lacson (2%), at Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano (2%).

Para sa maraming tagasunod ni Sen. Bongbong, ang anim na bahagdang kalamangan nito kay Vice Leni ay isang malaking sikolohikal na panalo para sa una.

Kabilang sa mga hindi masyadong kursunada ng mga botante ay sina. Sen. Richard Gordon (1%), former defense chief Gilbert Teodoro (0.5%), at retired Supreme Court Justice Antonio Carpio (0.5%).

Hindi pa matiyak kung ano ang magiging pakinabang ng Philippine sports kay Mayor Duterte at mga kalaban, kung sino sa kanila ang mapipiling umugit sa susunod na rehimen, subalit kung ang pagbabatayan ay ang karanasan sa pagiging pandaigdig na kampeon sa boksing, si Sen. Pacquiao ang malamang na gugustuhin ng mga atletang Filipino na maging susunod nilang pangulo.

At sapagkat nakita ni Sen. Bongbong kung ano ang kalagayan ng sports sa Pilipinas sa ilalim ng kanyang ama, si dating Pangulong Marcos, mas pipiliin siya ng mundo ng palakasan na siya ang maupo sa panguluhan para umugit sa kinabukasan partikular ng ating atleta, at sports sa pangkalahatan.

Si Mayor Sara rin ang lumabas na most preferred presidential candidate sa rehiyon ng Mindanao kung saan siya nagmula sa kanyang nakuhang 60%. Ganoon din sa Visayas (21%) at Luzon (17%).

Hindi masyadong naging katanggap-tanggap sa Metro Manila ang survey na isinagawa noong Pebrero 22 at Marso 3.

Ang tanong sa survey: “Of the people on this list, whom would you vote for as president of the Philippines if the May 2022 elections were held today?”

Ayon kay Pulse Asia president Prof. Ronald Holmes, ang popularidad ng apelyedo ni Mayor ang malamang na may kinalaman sa pagiging popular din niya.

Samantala si Yorme Isko ang nanguna sa listahan ng gusto ng mga sinarbey na maging vice presidential candidate (16%).

Ayon naman sa hiwalay na OCTA survey, si Sen. Manny ay nakakuha ng 57% sa tanong kung sino-sino ang gusto nilang maging senador.

238

Related posts

Leave a Comment