SI JOY AT INDAY

ANG laki ng pagkakaiba bilang lider ni Mayor Joy Belmonte ng Quezon City at Mayor Inday Sara Duterte ng lungsod ng Davao.

Si Mayor Inday Sara mabilis magpasya, agad na kumikilos at umaaksyon kapag may nakitang namumuong problema. Habang si Mayor Belmonte, teka-teka at saka lang gagalaw kapag nagkabulilyasuhan na o may nangyari nang hindi maganda.

Kitang-kita ang performance ng dalawang babaeng alkalde sa mga itinatayong community pantry. Nagsimula ito sa Maginhawa Street sa Quezon City na pinangunahan ni Ana Patricia Non at nasundan ito sa iba’t ibang panig ng Metro Manila hanggang sa makarating na sa Davao City.

Totoong sa sitwasyon natin ngayon, dapat ay laging isaalang-alang lalo na ng mga otoridad ang kaligtasan ng mamamayan na huwag mahawaan ng COVID-19.

Hindi lang para mapababa ang bilang ng kaso kundi upang tuluyang maiwasan na magkasakit ang maraming bilang ng mga Filipino.

Magagawa ito kung mahigpit na ipapatupad ang minimum public health standards gaya ng physical o social distancing, maayos na pagsusuot ng face mask kasama pa ang face shield.

Sa mga shopping malls kahit noong nasa maluwag na General Community Quarantine (GCQ) ang Metro Manila, napakahigpit ng tuntunin sa mga health and safety protocol.

Hindi pwedeng walang face mask o face shield. Kinukuha ang temperatura ng lahat ng papasok at lalagda sa contact tracing form. At habang naglalakad, kapag may nakitang magkaholding hands kahit pa mag-asawa ay agad na sisitahin ng guwardiya.

Sa labas, doon sa tinatawag na community pantries, walang makikitang ganitong kahigpit na mga health protocol. Tila walang pakialam ang mga otoridad lalo na ang mga taga barangay kahit pa halos magkapalitan na ng mukha ang mga ­pumipilang mamamayan.

Kitang-kita sa mga larawan at video na naipopost sa social media. Sa mga nagsulputang mga community pantries ay iisa ang makikitang scenario, klarong-klaro ang paglabag sa minimum public health standards na ipinatupad ngayong pandemya.

Palaisipan tuloy sa atin, mukhang ayaw yata talagang grumadweyt ni Mayor Belmonte sa pagiging number 1, pagiging hotspot, o pagiging epicenter ng COVID-19 sa buong Pilipinas? Mamili na kayo kung ano ang gusto ninyong itawag.

Nang nagsulputan na parang mga kabute ang community pantries, para yatang nabulaga ng todo itong si Mayor Belmonte. Naging ­reactionary ang galawan sa City Hall. Pati mga opisyal ng barangay ay tumunganga na lang hanggang sa may nagbuwis pa ng buhay sa pagpila makakuha lang ng libreng pagkain para sa kanyang pamilya.

Pasintabi kay Chairman Chito Valmocina ng Barangay Holy Spirit sa Quezon City, masyadong mainit ang ulo mo sa community pantry ng aktres na si Angel Locsin dahil hindi raw nagpaalam sa inyo, pero ano ang ginawa ninyong hakbang at plano nang makita ninyong dumarami na ang tao?

Nanood lang din yata kayo Chairman parang ang Mayor n’yo? At pagkatapos ay putak kayo ng putak ngayon sa mga interbyu at sinisisi ang aktres sa pagkamatay ng isang 67 anyos na lolo dahil sa kawalan ng koordinasyon sa inyo?
Kaya panawagan natin kay Mayor Belmonte at Kap Valmocina, gayahin nyo kaya si Mayor Inday Sara Duterte ng Davao City. Hindi ba Mayor, pinilit mo naman maging kaibigan si Mayor Inday Sara noong bago mag-2019 elections para maitaas ang kamay mo? Sumunod ka pa nga sa ilang byahe ng anak ng Pangulong Duterte, may photo opportunity ka pa nun at pagkatapos ay ipopost mo sa social media para palabasin na close kayo.

Hingi ka ng kaunting tip sa kanya paano i-manage ang community pantries para hindi magulo gaya rin ng magulong pamamahagi ninyo ng ayuda.

Alam nyo ba nang makita ni Mayor Inday Sara na dinumog ang Matina community pantry sa Davao City at hindi nasusunod ang mga health protocols, agad niyang ipinag-utos ang dispersal sa mga kababa­yan niyang pumila.

Sinabihan ang mga tao na umuwi na lang muna. Pinagsabihan din ang mga organizers na magplanong mabuti paano gagawin ang community pantry lalo na kung paano dapat na isinasaalang-alang ang kaligtasan at kalusugan ng mamamayan.

Kung walang maayos at ­matinong plano ang organizer, walang community pantry na pwedeng gawin at itayo sa Davao City.

Ganyan dapat Mayor Joy at sa iba pang mga alkalde na tinayuan ng makabagong bayanihang ito ng mga Filipino. Nasa pandemya tayo kaya ang dapat na sundin ay kung ano ang dapat na masunod na patakaran gaano man kahigpit. Palagay ko naman ay papayagan ito ng ating mga kababayan dahil ang kaligtasan nila ang pinoprotektahan.

196

Related posts

Leave a Comment