LAGUNA – Patay ang isang magsasaka matapos na harangin at pagbabarilin ng apat na hindi kilalang mga suspek habang lulan ng motorsiklo sa bayan ng Famy sa lalawigang ito, noong Miyerkoles ng umaga.
Kinilala ang biktimang si Jefferson Jamolin, isa ring part time construction worker.
Batay sa report ng Famy Police, bandang alas-8:30 ng umaga, minamaneho ng biktima ang kanyang motorsiklo patungo sa bayan ng Siniloan at angkas ang isang Felipe Gelua nang harangin ang mga ito ng apat na naka-bonnet na mga lalaking lulan ng isang Honda Civic na may plakang CJS-163, sa Barangay Salang Bato.
Lumabas umano ang mga suspek mula sa kanilang sasakyan at pinagbabaril ang biktima na agad namatay sa pinangyarihan ng insidente.
Hindi naman sinaktan ng mga suspek ang angkas na si Gelua.
Agad ding tumakas ang mga suspek lulan ng kanilang sasakyan.
Palaisipan sa pulisya ang motibo sa krimen dahil lumabas sa pagsisiyasat na wala namang ano mang masamang record ang biktima sa kanilang bayan at barangay. (NILOU DEL CARMEN)
212
